PANITIKAN AT PAGTATANGHAL

(Pagpapatuloy…)
Sa unang araw ng Abril ay tutuon ang pagdiriwang sa spoken word. Pangungunahan ito ng Amplaya Monologues, isang spoken word collective, at ni Mark Ghosn, ang founder ng Ampalaya Monologues. Magsasalita rin ang ating National Artist for Literature na si Gemino Abad tungkol sa pagtatanghal ng tula. Isang “page-to-stage” writing workshop din ang magaganap, ang Spoken Camp.

Pagkatapos nito ay magpeperform naman ang mga spoken word artists kasabay ng mga indie musicians. Sa huli, isang open mic session ang mangyayari sa gabi.

Sa huling araw, ika-2 ng Abril, ay magpupugay ang Performatura Festival kay Francisco Balagtas. Magsasalita si Chris Mooney Singh tungkol sa Balagtasan at World Literature.

Ang Makatas kasama ng Ingay Likha battle rap artists (fliptoppers) na sina Tulala, Zantasa at D.O.C. ay magtatanghal din sa umaga. Sa bandang alas-2:00 n.h. ang National Artist para sa Panitikan na si Virgilio Almario ay magsasalita tungkol sa kahalagahan ng Bataan sa buhay ni Balagtas.

Ito naman ay susundan ng mga pagtatanghal ng ilang mga guro at estudyante mula sa Bataan High School for the Arts, at mga palihan sa musika, sayaw at sining biswal.

Bilang pagtatapos, magbabahagi ng tula at pagtatanghal ang KamPerformatura, ang mga kabataang kabahagi ng pagdiriwang na ito. Ito ang magtatakda ng pagsisimula ng kompetisyong Tanghal-Makata 2023. Kasama sa mga hurado sina Mark Ghosn, ang poet-performer na si Kooky Tuason, at ang mambabalagtas mula sa Bulacan na si Melandro Pascual. Ang librarian na si Juireo Abela ng Lucena City, ang nagwagi sa Tanghal-Makata noong 2021, ang siyang mag-a-award ng isang tropeong Sam Peñaso at iskultura ng makatang Raul Funilas sa magwawagi ngayong taon. Ang mga panghuling pagtatanghal ay ibabahagi ng GSIS Museum, LIRA, at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Ang direktor ng selebrasyon ay si Dr. Vim Nadera, Jr. Ang Performatura Festival 2023 ay bukas sa publiko. Libre lamang ito ngunit hinihikayat ang lahat na mag-donate ng isang aklat upang magsilbing tiket para sa bawat bahagi ng pagdiriwang. Ang mga makokolektang aklat ay ipapadala ng CCP sa mga partner libraries nito. Kung may tanong, maaaring mag e-mail sa [email protected] o tumawag sa 8832-1125 local 1706 o 0919-3175708.