IMINUNGKAHI ni Senadora Grace Poe ang paggamit sa P17-B pondo ng Department of Transportation (DOTr) para matulungan ang mga pampublikong tsuper na naapektuhan ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine.
“By our estimate, there is about P17 billion worth of programs and projects in the 2020 DOTr budget that cannot be implemented due to the pandemic on top of those not yet sunk in the ground from 2019,” ani Poe, chairman ng Senate committee on public services.
“We might as well realign these funds for the benefit of our transport drivers whose earnings are severely affected due to the enhanced quarantine,” dagdag pa ng senadora.
Nauna nang sinuspinde ng Malacañang ang lahat ng pampublikong transportasyon sa buong Luzon upang mahigpit na maipatupad ang social distancing at mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.
At ganito rin ang ginawa sa ibang probinsiya sa bansa.
Nabatid na umaabot sa 130,000 ang bilang ng jeepney drivers, habang mayroon namang 65,000 na tsuper na kabilang sa transport network vehicle service sa buong bansa.
Sa Kalakhang Maynila lamang, humigit-kumulang sa 13,000 ang mga bus driver at 47,000 naman ang namamasada ng motorcycle taxi.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na nilagdaan kamakailan lamang, pinahihintulutan ang Pangulo na isantabi ang mga programa at proyekto ng pamahalaan at sa halip ay gamitin ang pondo para labanan ang sakit at matulungan ang mga apektadong pamilya.
“Ang pondo na pantayo dapat ng proyekto ay ipamigay na o ipambili na lang ng pagkain ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan. Surely, no one will contest that the right to food of a PUV driver is more important than some obscure project,” diin Poe.
Binigyang-diin niya ang fuel voucher para sa mga tsuper sa ilalim ng programang Pantawid Pasada ng DOTr.
Ang pondo para rito ay bahagi ng 30 porsiyentong kita mula sa buwis na inilalaan para sa ’mitigation measures’ ng pamahalan na alinsunod naman sa Tax Reform Acceleration and Inclusion Law.
“The budget has ceased to be set in stone. The amount for the fuel vouchers should be repurposed as cash or food assistance in this time of emergency. Dapat gamitin ito bilang pantawid sa walang pasada,” sabi ni Poe. VICKY CERVALES
Comments are closed.