PANUKALANG CDCP TINATALAKAY SA KAMARA

REP SALCEDA

SINIMULAN nang  talakayin sa Kamara ang panukalang batas (HB 6096) na lilikha ng Center for Disease Control and Prevention (CDCP) na mangunguna para maging handa ang bansa sa mga  matitinding sakit at pandemya, at pangalagaan ang kalusugan at buhay ng mga Pinoy sa panahon ng pananalasa ng mga ito.

Idineklarang prayoridad ni Pangulong Duterte ang HB 6096 sa State of the Nation Address (SONA) niya noong Hulyo. Inihain ito ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda noong Enero para mapaghandaan ang kumakalat na Covid-19 pandemic noon. Naging batayan ito ng iba pang mga panukala na pianagsama-sama na lamang sa iisang bill.

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means committee, maaaring mapabilis ang pagtalakay sa HB 6096 dahil suportado ito ng mga kasamahan niyang mambabatas at 167 ang ‘co-authors’ nito, bukod sa malinaw na tagubilin ng Pangulo na sadyang kailangan natin ito.

Sa pamamagitan ng ‘Zoom live conference,’ sinimulang talakayin ito ng House Committee on Health ngayong linggo ang mga panukala ni Salceda na naglalatag ng mga akmang balangkas kaugnay sa ‘quarantine, disease surveillance,’ at ‘contact tracing’ na ginagawa na ngayon.

Pangunahing tampok  ng bill ang kaisipang maaaring magkaroon ng malawakang pagkakasakit sa bansa at dapat maging handa rito ang mga Pinoy. Ang panukalang tugon sa suliraning ito ay hango sa mga kaalaman at mga hakbang na ginawa ng ibang bansa gaya ng China, Australia, at USA na iniakma naman ni Salceda sa aktwal na kalagayan sa Filipinas.

Sa kanyang  huling SONA, nanawagan si Pangulong  Duterte sa Kongreso na likhain ang CDCP. Maaari  itong gawing hiwalay na ahensiya sa ilalim ng DOH at pagsubaybay ng Health Emergency Coordinating Council (HECC), na pamumunuan ng Health Secretary. Naniniwala si  Salceda na higit na magiging mabisa ang ganitong istraktura dahil libre ito sa masikip na burukrasiya ng DOH at mabilisan itong makakakilos.

Kasama sa panukala ang paglikha sa National Health Emergency Response Unit (NHERU) sa ilalim ng DEMB, na bubuuin ng mga sanay na ‘first-responders’ at magsisilbing ‘frontline force’ ng CDCP sa labanan; malakihang balangkas sa ‘tracking public health emergencies;’ at pagbibigay ng mandato sa Foreign Affairs Secretary at DOH Secretary na magpanukala ng mahahalaga at kapaki-pakinabang na kasunduan at palitan ng mga mahalagang ‘health information’ sa ibang mga bansa at pandaigdigang mga ahensiya at marami pang iba.

Ayon kay Salceda, ang CDCP bill ay kakambal ng isa pa niyang panukala – ang pagkukha ng Department of Disaster Resilience na idineklara ring prayoridad ng bansa  ng Pangulo.

Comments are closed.