PANUKALANG TAX AMNESTY PARA SA FREELANCERS OK NASA PANEL NG KAMARA

REP SALCEDA

PASADO na sa ‘tax panel’ ng Kamara ang panukalang “Freelancers Protection Act” ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong patawarin sa pagbayad ng buwis ang mga freelancers o mga nagtatrabaho mula sa kanilang tahanan ngayong panahon ng pandemya upang madali silang makabangon, mabigyan ng proteksiyon at makapagbayad sila ng kaukulang buwis sa hinaharap.

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang mga ‘freelancers’ ay maituturing na tagapagligtas ng ekonomiya at layunin ng kanyang HB 1527 na tiyaking mabigyan ng proteksiyon ang mga karapatang legal at mga benepisyo ang mahigit dalawang milyong Filipinong freelancers sa bansa,

“Nakita naming kailangan tulungan silang makapagsimula uli sa kanilang trabaho at pinagkakakitaan na walang pabigat na utang na buwis, kaya mahalaga ang ‘tax amnesty’ para sa kanila. Sila mismo ang makakatulong upang mabawi ang mga buwis na hindi nakuleta kaya dapat silang walang pabigat sa pagpasok sa bagong mga kasunduan,” paliwanag niya.

Sasaklawin ng tax amnesty ng HB 1527 ang ‘income taxes’ na nakapaloob sa Section 24 ng Tax Code, para sa mga ‘freelancers’ na kumukita ng kulang sa P1 milyon sa isang taon. Magiging 2% na lamang ito ng kabuuang kita na lampas sa unang P250,000. Ayon sa Salceda, sisikapin din niyang maamyendahan ang iba pang isinasaad nito, kasama ang ‘percentage tax’ para sa mga hindi naman dapat magbayad ng VAT.

Kasama rin sa mga proteksiyong nais italaga ng HB 1527 ang 1) akmang balangkas ng kasunduan sa pagitan ng mga ‘freelancers’ at hihirang sa kanila; 2) ‘Eligibility’ sa dagdag na bayad para sa mga ‘freelancers’ na obligadong magtrabaho sa gabi o sa ibang lugar na malayo sa kanila; at 3) ‘Hazard pay’ para sa kanila kung itinatalaga sa mga mapanganib na lugar.

Pinuna ni Salceda na naging buhay na ang freelancing para sa milyon-milyong Filipino lalo na ang mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya at dahil nagiging digital na ang ekonomiya, tiyak na lalago pa ito at kung wala silang legal na proteksiyon, baka lumala rin ang pagsasamantala sa kanila.

“Likas na bunga ang ‘freelancing’ ng bagong sistema sa pagtatrabaho mula sa tahanan, kaya kailangang maprotektahan din ang mga ‘freelancers’ habang maaga. Nakikita ko ring maraming industriya ang nanaisin din ito sa hinaharap, kasama na ang mga negosyong ‘business process outsourcing’ o BPO),” dagdag ni Salceda.

Comments are closed.