PANUNUHOL KAPALIT NG PIRMA PARA SA CHA-CHA I-REPORT

HINIMOK  ni Senador Joel Villanueva ang publiko na iulat ang umano’y panunuhol kapalit ng pirma para sa Charter change.

“Kung meron pong nagoyo, nabudol, gustong magreklamo at bawiin ang kanilang pirma, huwag po kayong matakot magsumbong. Magpadala o mag-post ng video, picture o screenshot ng mga text ng panunuhol,” ani Villanueva.

“Ipagbigay alam niyo rin po sa amin ang inyong pangalan, tirahan at contact details para matulungan po namin kayo na maprotektahan at maipagtanggol ang inyong karapatan,” dagdag pa niya.

Muling iginiit ni Villanueva na hindi dapat bilhin ang pirma ng mga tao para sa people’s initiative.

“Kaya nakakabahala po ang ginagawang Peoples Initiative. Marami na po tayong narinig, nakita at nasaksihan…Hindi po dapat binibili, sinusuhulan, at sinasamantala ang ating mga kababayan.

Importante po na ang tao ay mulat at nabibigyan ng tamang impormasyon. Hindi po pwede na bibigyan kayo ng ayuda o salapi para lamang pumirma,” aniya.

Nauna rito, sinabi ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang Cha-cha sa pamamagitan ng people’s initiative ay maaaring mauwi sa constitutional crisis.

“Because if you remove the Senate, you disregard the check and balance in the present Constitution, and that’s a crisis, a constitutional crisis. Why did you set aside the Senate? You disregarded it when there is supposed to be a check and balance,” ani Carpio.
LIZA SORIANO