(Papapasukin na sa Pinas) FULLY VAXXED TOURISTS MULA ‘GREEN’ COUNTRIES

PAPAPASUKIN na sa bansa ang mga turistang mula sa ‘green’ countries kung ang mga ito ay nakatanggap na ng kanilang kumpletong bakuna.

Sa anunsiyo ng Department of Tourism (DOT), aprubado na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagtanggap sa mga turistang mula sa mga bansang nasa low-risk ng COVID-19.

Ayon sa DOT, nakatakdang magpalabas ng guidelines ang pamahalaan hinggil dito.

“The Special Technical Working Group on Travel has been tasked to promptly come up with said guidelines for final approval of the IATF,” sabi ng ahensiya.

Ang guidelines ay inaasahang ilalabas bago matapos ang buwan.

Ayon pa sa DOT, nasa proseso na ang ‘vaccinated travel lanes’ o ‘bubbles’, na isang espesyal na programa na mag-o-otorisa sa mga turistang mula sa ‘yellow’ countries o bansang nasa ilalim ng moderate risk sa COVID-19 na makapasok sa Pilipinas.