HINILING ni Senador Francis Pangilinan sa pamahalaan na madaliin ang pagbibigay ng food pass sa mga trak ng pagkain.
“Natapos na ang buong magdamag ng national emergency powers. Nananawagan tayo sa mga kinauukulan na padaanin ang mga trak ng pagkain at bigyan agad ng food pass,” wika ni Pangilinan.
Gayunman, sinabi ng senador na dapat tiyakin na alam ng mga frontliner gaya ng mga drayber, pahinante, mag-sasaka at mangingisda na puwede silang magtrabaho, magtanim, mag-ani, at mamalakaya.
At dapat din aniyang ipatupad ang mga health protocol (naka-personal protective gear sa pagbiyahe at pakisalamuha sa ibang tao, madalas na paghugas ng mga kamay, at social distancing).
Ayon pa sa senador, nakikipag-ugnayan din ang kanyang tanggapan sa Department of Agriculture (DA) upang mapabilis ang mga probisyong nakasaad sa naipasang “Bayanihan Heal as One Act” at sa mga memo na ipinalabas ng DA at Department of Trade and Industry (DTI) na hindi dapat mabalam ang pagpapadala ng food cargo.
“Sinabi natin nung ipinasa ng Senado ang nasabing batas, aaraw-arawin natin ang IATF para ipatupad ang batas gaya ng inaasahan. Nasa maayos at mabilis na pagpapatupad ng batas ang susi ng kalusugan at kapakanan nating lahat,” ani Pangilinan. VICKY CERVALES
Comments are closed.