(Para mapababa ang presyo ng agri products)P16.89-B IBUBUHOS SA POST-HARVEST FACILITIES

Department of Agriculture-2

AABOT sa P16.89 billion ang pondong maaaring gamitin ng Department of Agriculture (DA) ngayong taon sa pagpapatayo ng post-harvest facilities at pagbibigay ng iba pang serbisyo hinggil dito para sa lubos na kapakinabangan ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ang ipinabatid ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee kung saan binigyang-diin niya na ang nabanggit na programa ng DA ay isa rin sa mga hakbang na kailangang maipatupad nang mabuti upang mapababa ang production cost, lalo na ang presyo sa mga pamilihan ng mga agricultural product gaya ng sibuyas at iba pa.

Ayon sa mambabatas, sa ilalim ng kabuuang P174 billion na badyet sa taong ito ng Agriculture department, na sa kasalukuyan ay pinamumunuan din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nakapaloob ang pondo para sa ‘Post-Harvest Facilities and Services’ ng ahensiya.

Ang nasabing halaga na inilagay sa naturang programa ng DA ay mas mataaas ng 40.6% kumpara noong nakaraang taon kung kaya tiwala si Lee na mas maraming proyekto ang maipatutupad at makatutulong para sa ikabubuti ng mga Filipino farmer at consumer.

“Kung magagamit ang mas malaking pondong ito para tulungan ang agri workers na mapataas ang kanilang produksiyon, hindi basta-basta kukulangin ng supply na dahilan ng pagtaas ng presyo sa merkado,” sabi pa ng kongresista mula sa Sorsogon province.

“Sa pamumuhunan ng gobyerno sa mga programa at serbisyong totoong nagbubunga ng benepisyo at mas malaking produksiyon ng mga magsasaka at mangingisda, makikinabang din ang consumer at buong bansa — Winner Tayo Lahat,” pagbibigay-diin ni Lee.

Hinimok din ng AGRI party-list lawmaker ang DA na maging aktibo sa pagbibigay ng tulong para maibaba ang gastusin sa pagtatanim gaya ng pagkakaroon ng access sa murang abono at pesticides, pamamahagi ng farm equipment, pagtitiyak na gumagana ang mga irrigation system at pagpapagawa ng dagdag na post-harvest facilities tulad ng cold storage at transport facilities.

ROMER R. BUTUYAN