(Para mapahupa ang inflation)INTEREST RATE ITINAAS SA 5.5%

INTEREST RATES

TINAASAN kahapon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang benchmark interest rate ng bansa ng 50 basis points para mapababa ang inflation.

Epektibo ang interest rate hike ngayong Biyernes, December 16.

Ang central bank rates ay ginagamit na batayan ng mga bangko at lending companies para sa kanilang loan, credit card, at deposit rates.

Ayon kay BSP Gov. Felipe Medalla, kasunod ng adjustment, ang overnight borrowing rate ay nasa 5.5 percent na ngayon.

Pinantayan ng BSP ang downshift ng US Federal Reserve makaraang ianunsiyo ni Chair Jerome Powell noong Miyerkoles ang 50-bps hike, mas mababa sa magkasunod na 75-bps na ipinatupad sa mga naunang pagpupulong.

Ang pagtataas ng interest rates ay makaaapekto sa pangungutang ng mga consumer at bababa ang halaga ng paggastos ng mga mamamayan.

Ang inflation sa bansa ay bumilis sa 8 percent noong November, ang pinakamataas magmula noong November 2008 at doble ng upper limit ng 2-4 percent target range ng pamahalaan.

Sa pagtaya ng central bank, ang inflation ay posibleng manatiling mataas sa average na 5.8 percent sa 2022 at 4.3 percent sa 2023 bago bumalik sa target range sa 2024.