KASABAY ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, umapela sa pamahalaan ang isang ranking member ng House minority bloc na mabuhusan nang husto ng pondo ang local agricultural sector.
Giit ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee, maraming kailangang gawin upang maayos ang panig ng agrikultura ng bansa subalit ang lahat ng ito ay magkakaroon lamang ng katuparan kung ang gobyerno ay maglalaan ng malaking budget para pasiglahin at patatagin ito.
“With improved agriculture, we also improve the livelihood of our farmers and other producers and help them escape the cycle of poverty,” ayon pa sa mambabatas mula Sorsogon.
Ayon kay Lee, kinakailangan ang agarang aksiyon ng pamahalaan para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda, partikular ang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay dahil sa patuloy na pagkakabilang ng mga ito sa tinaguriang ‘poorest sectors of society’.
Base sa 2021 poverty statistics na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang local fisherfolks ang mayroong highest poverty incidence na nasa 30.6 percent, kasunod ang mga magsasaka sa 30 percent.
Naniniwala si Lee na ang hamon para sa pamahalaan ay ang pagsusulong ng modernisasyon sa local agri sector kung saan kaakibat din nito ang paglikha ng dagdag na mga trabaho, kabilang ang para sa higher-value jobs gaya ng equipment operators at personnel sa technology sector.
Dapat din, aniya, na tugunan ng pamahalaan ang tinatayang pagkakaroon ng shortage sa hanay ng mga magsasaka sa bansa sa susunod na 12 taon dahil ang average age ng Filipino farmers ay nasa 53 years old pataas at maraming kabataan ang hindi gaanong intersado sa farming.
“We have to show that we are undertaking serious and sincere efforts to improve agriculture, so that the youth will not see it as a ‘dead-end job’. Kailangan nating pakatandaan na nakakabit ang pag-unlad ng bansa sa agrikultura. kung maayos ang agrikultura, winner tayo lahat,” pagbibigay-diin pa ni Lee.
ROMER R. BUTUYAN