NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos na alisan ng buwis ang mga donor at ibawas sa kanilang income tax ang katumbas na halaga ng kanilang donasyon para mas marami ang matulungang frontliners at mailigtas na buhay sa panahon ng kalamidad.
“Hindi lang sa buwis maaaring makalikom ang gobyerno. Tinuturuan tayo ng krisis ng COVID-19 na maging maparaan at humanap ng ibang mga solusyon para makaligtas ng buhay,” paliwanag ni Marcos.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang mga donasyong galing sa mga itinuturing na “good samaritans”, indibidwal man o pribadong kompanya, ay may malaking ambag sa food at medical supplies at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng gobyerno para higit na matulungan ang mga apektadong komunidad.
Isa sa pitong panukalang batas na inihain ni Marcos ay ang Senate Bill 1429 na naglalayong alisin ang red tape sa paghingi ng tax exemption certificate sa Department of Finance (DOF) para sa mga donasyon; bukod pa sa pagbibigay ng tax benefits sa mga donor.
“Layunin ng batas na ito na lalong mahikayat ang pagbabayanihan sa ating mga Filipino at huwag maging pabigat ang buwis sa pagbibigay tulong,” ani Marcos.
Kabilang sa legal na benepisyo ng panukalang batas ni Marcos ang mga donasyon sa panahong nagdeklara ang gobyerno ng state of calamity, kasama na ang mga donasyon mula January 2020 kung kailan nagsimulang kumalat ang COVID-19 sa buong mundo.
“Nakaranas ang ating bansa ng sunod-sunod na kalamidad sa mga unang buwan pa lang ng taon, kabilang na ang pagputok ng Bulkang Taal, Asian swine flu, at mga paglilindol. Posibleng magkasabay-sabay pa na mangyari ang mga kalamidad na ito, kaya maiging maghari sa atin ang pagbibigayan,” dagdag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.