(Para matukoy ang nananamantalang biyahero) SUPPLY CHAIN NG BABOY TUTUKAN

baboy

HINILING ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon province 1st Dist. Rep. Mark Enverga sa Department of Agriculture (DA) na tutukang mabuti ang ‘supply chain’ o ang proseso bago makarating sa mga pamilihan, partikular sa Metro Manila, ang ibinebentang karne ng baboy mula sa hog producers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isinagawang joint hearing ng nasabing komite at ng House Committee on Trade and Industry kahapon, ipinunto ng Quezon province lawmaker na importanteng matukoy ng DA kung may nanamantala kung kaya nangyari ang pagsipa sa hanggang P450 kada kilo ng retail price ng baboy.

Nais ni Enverga na makapagsumite ang ahensiya ng supply chain analysis nito para sa pork products base sa kasalukuyang sitwasyon ng merkado.

“You’ve said that iyong mga biyahero ang medyo nagsasamantala dito. Baka puwedeng makita natin ‘yung details. Saan bumubukol talaga?  Saan lumalaki ‘yung cost kaya pagdating sa retail market mataas na ang presyo?” sabi pa ng kongresista.

Lumabas sa joint hearing ang impormasyon na kadalasan, mula sa commercial at backyard swine producers, dalawang biyahero ang pagdadaanan muna ng mga baboy bago mapunta sa katayan at mga magtitinda nito.

Tiniyak naman ng DA na masusi nilang binabantayan ang supply chain at regular na nakikipagtulungan sa iba pang government agencies, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Justice (DOJ) na siyang  tagapamahala ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para tugusin at papanagutin sa batas ang mga nagmamanipula sa presyo ng baboy, gayundin ng manok, gulay at iba pang agricultural products.

Samantala, kinalampag din ni Enverga ang DA hinggil naman sa natatanggap niyang mga sumbong na marami pa ring hog raisers ang hindi pa nababayaran para sa kanilang mga alaga na tinamaan ng African Swine Fever  (ASF), na isinailalim sa culling upang maiwasan ang pagkalat ng nababggit na sakit sa mga baboy.

‘Mayroon kaming naging kaso (ng ASF) sometime around May (last year) sa province of Quezon. And recently nalamam ko lang na hanggang sa ngayon ay wala pa silang (hog raisers) natatanggap na indemnification, sana catch up lang po kayo,” sabi ng mambabatas.

Aminado naman ang DA sa pagkukulang nilang ito at base sa paliwanag ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Reildrin Morales, sa kasalukuyan ay nakapagpalabas na sila ng P1.3 bilyon at mayroon silang ongoing distributions sa National Capital Region (NCR), Region IV-A at sa Region 5 para sa pagbabayad ng P5,000 kada  ulo ng baboy na apektado ng ASF.

“There were delays po previously Mr. Chair dahil po by that time na naayos ang validation ay nagsara naman ang libro, ito po ay noong December (2020), na inaayos po namin ito ngayon,” paliwanag ng BAI official.

Samantala, nanawagan naman ang DA sa Kongreso na tulungan itong magkaroon ng mas malaking pondo para tugunan ang pangangailangan ng live-stocks industry,  partikular ang pagpapalakas ng produksiyon nito sa pamamagitan pagbibigay ng kaukulang suporta sa mga poulty raiser, hog producer at iba pa. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.