“ITIGIL na ang pagkabaliw sa importasyon, tangkilikin ang sariling atin”!
Ito ang binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos kasabay ng paggigiit na dapat tulungan ng pamahalaan ang mga lokal na livestock raisers para maging mas kumpetitibo ang presyo ng kanilang mga produkto at maisalba ang kanilang kabuhayan sa bumabahang mga imported na bumubuo ng mahigit sa kalahati ng mga poultry at pork products sa merkado.
Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang imbentaryo ng National Meat Inspection Service (NMIS) noong Agosto, kung saan makikitang 81% sa 43,124 kilo ng frozen pork na sinurvey sa merkado ay puro imported.
Ipinakikita rin sa NMIS inventory na 58% ng kabuuang 60,810 kilos ng na-survey na dressed chicken ay pawang mga imported.
Sinabi ni Marcos na ang pagbaha ng imported poultry products at murang halaga ng benta nito sa merkado ang nagpapalala sa kalagayan ng mga local poultry raiser na umaaray na sa biglang paghina ng kanilang pagbenta dahil sa COVID-19 pandemic.
Bumaba ang demand ng mga lokal na produktong manok at baboy sa food companies sa bansa, gayundin sa mga hotel at restoran na nagbawas ng operasyon habang ang iba’y nagsara na ng tuluyan sa gitna ng mga pinalawig na community quarantine dahil sa pandemya.
Nitong nagdaang linggo, naglalaro na ang presyo sa mga palengke ng imported na baboy mula Php120 hanggang Php175 kada kilo, kumpara sa local pork na ibinebenta sa Php230 hanggang Php260.
Ang imported namang chicken ay naglalaro sa Php100 hanggang Php110 kada kilo ang presyo sa kapareho ring panahon, na mas mura kaysa lokal na chicken na nasa Php125 hanggang Php130 na presyo kada kilo.
Isang solusyon para mas maging competitive o makalaban ang presyo ng local poultry products ay ang pagbibigay ng Department of Agriculture sa mga poultry raiser ng teknolohiya sa pagpoproseso ng mechanically deboned chicken meat, ang imported na produkto na mahirap gawin o i-produce dahil sa kawalan nila ng pasilidad, ani Marcos.
Sa harap nito, hinimok ni Marcos ang gobyerno na mas palawakin pa ang merkado ng mga lokal na produktong manok at baboy sa pamamagitan ng pag-i-export nito sa Japan, South Korea at iba pang bansa kung saan malaki ang gastos sa produksyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.