PARA maiwasan at mapigilan ang pagpasok ng bagong variant ng COVID-19, nananawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ibalik ang serbisyo ng mga contact tracers na nagtapos ang kontrata sa pagpasok ng Enero, 2021.
Ang panawagan ni Belmonte ay bunsod na rin ng bagong kaso na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 ang isang residente ng QC.
Sa isang press conference sinabi ng alkalde na ang hakbang ay bahagi ng pagpapalakas pa sa contact tracing capability ng QC para tuluyang mapigilan ang posibilidad na pagkalat ng natukoy na bagong variant ng Corona virus.
Samantala sinabi ni QC Epidimiology and Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz, may 1,600 na contact tracers na ibinigay noon ang DILG sa QC nang mag-hire ang gobyerno para sa buong bansa noong Setyembre,2020.
Ang kontrata ng mga ito ay nagpaso na noong nakalipas na Disyembre 31.
Aniya, dahil sa lawak ng QC umaabot sa average na 80 hanggang 100 indibidwal ang bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID-19 araw-araw.
Sinabi ni Cruz, kahit kalahati lamang o 800 na contact tracers ang ibalik ng DILG para sa QC ay malaking tulong na sa mas pinaigting na contact tracing upang matukoy ang mga nakakasalamuha ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Dagdag pa nito, mananagot din sa ilalim ng anti-discrimination ordinance ang sinumang mapapatunayang nangutya o nagkait ng pantay na karapatan sa isang indibidwal dahil lamang sa ito ay residente sa lugar kung saan nakatira ang lalaking natukoy na nagtataglay ng bagong variant ng COVID-19.
Sinasabing ang pasyente ay nakakaranas ng diskriminasyon sa mga taga Brgy. Kamuning kung saan naninirahan ang UK-variant positive na pasyente.
Nilinaw ng QC government na nagkataon lamang na taga-QC ang biktima pero hindi pa naman ito nakakauwi ng kanilang bahay. EVELYN GARCIA
Comments are closed.