HINIKAYAT ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez ang lahat ng 16 barangay chairmen sa lungsod na magtayo ng mga pampublikong parke sa kanilang mga lugar na nasasakupan na bahagi ng disaster preparedness program ng lungsod matapos maramdaman ang malakas na lindol sa Northern Luzon nitong nakaraang Miyerkules.
Anang alkalde, ang mga parke o bakanteng lote sa mga barangay gayundin sa loob ng mga pribadong subdibisyon ay gumaganap ng mahalagang partisipasyon partikular sa mga sakuna tulad ng lindol, bagyo, baha at sea level rise.
Paliwanag ni Olivarez, tulad ng ibang bansa sa Asia ay ang Pilipinas ang isa sa pinaka-disaster-prone na bansa sa buong mundo kung saan ang ating mga isla ay malimit na naaapektuhan ng bagyo, baha, landslides, lindol at tagtuyot.
Aniya, sa mahigit na isang daang pribado at may mga gate na subdibisyon sa lungsod, ang mga komunidad ay nararapat na mayroong isa o higit pang madaraanan upang agad na makapagsagawa ng evacuation.
Kaya’t ipinaabot sa mga barangay chairman na kinakailangan na magkaroon ng bakanteng lote na maaaring puntahan ng mga barangay bilang unang evacuation site bago o pagtapos ng sakuna.
Napag-alaman na sa kabuuang 16 barangay sa lungsod, anim lang ang nakapagtayo ng public park sa loob ng tatlong dekada.
Kabilang sa public parks sa lungsod ay BF Central Park sa BF Subdivision; Sucat People’s Park sa Barangay San Dionisio; Las Piñas–Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) na kinilala bilang Las Piñas–Parañaque Wetland Park na may lawak na 175 ektarya ng wetland ecosystem na matatagpuan sa kahabaan ng Coastal Road.
Nangako naman si Olivarez sa mga barangay chairman na ang kanyang administrasyon ay maglalaan ng milyong pondo para sa pagtatayo ng mga public parks sa kanilang mga lugar na nasasakupan.
“The value of public parks is huge. Protecting and increasing natural areas increases home values, keeps people living here, and raises the quality of life,” ani pa Olivarez. MARIVIC FERNANDEZ