PARA SA MAS MARAMING TAON NG PAGTATRABAHO

NAKASANAYAN na natin ang pagreretiro ng mga manggagawang dumarating sa edad sisenta, o lagpas nang kaunti rito.

Ngunit ito ay unti-unti nang nagbabago habang tumatanda ang populasyon at bumababa ang bilang ng mga isinisilang sa karamihan sa mga pangunahing ekonomiya sa mundo. Ayon sa World Health Organization, inaasahan na ang dami ng mga taong nasa higit sisenta ay halos magdodoble mula 12% ito ay tataas sa 22% sa taong 2050.

Sa mga susunod na taon, makikita natin sa mga lugar ng paggawa ang iba’t ibang henerasyon na nagtatrabaho nang sama-sama. Sa Estados Unidos, halimbawa, inaasahan na nasa 25% ng mga lalaki at 17% ng mga babae na nasa higit 65 taong gulang ay magtatrabaho pa rin sa taong 2032.

Ibig sabihin, kailangang paghandaan ng mga organisasyon ang mga pagbabagong dala ng ganitong pangyayari. Mahalagang pag-aralan kung paano sila makakapag-adjust sa mga pagbabagong ito upang matiyak na ang kinabukasan ay mananatiling positibo para sa lahat. Para sa mga manggagawa naman, pagkakataon din ito upang makapaghanda at makisabay sa mga pagbabago sa mundo ng paggawa.

Ang tunay na tagumpay, ayon sa isang ulat na pinamagatang “Evolving Together: Flourishing in the age-diverse workforce”, ay nakasalalay umano sa pakikipagtulungan o pakikiisa. Kabilang dito ang suporta na natatanggap natin mula sa mga organisasyon na pinagtatrabahuan natin at mga patakaran o polisiya na nagpapahintulot sa mga organisasyong ito na suportahan ang kanilang mga tauhan.

Alam nating mahalaga ang kalusugan upang tayo ay maging produktibo hanggang sa edad sitenta o kahit pa otsenta.

Mainam nga naman kung makapaglalaan ng pondo ang mga pamahalaan upang maalagaan ang kalusugan ng mga manggagawa, ngunit higit pa riyan, dapat ay magkaroon din ang mga organisasyon ng kanilang sariling mga programa para sa kapakanan ng kanilang mga empleyado.
(Itutuloy…)