(Pagpapatuloy…)
MAAARI ring magpatupad ng mga flexible work schedule ang mga employer o kompanya, pati na mga phased retirement programs, mentorship, o kolaborasyon sa pagitan ng mga empleyadong magkakaiba ang edad.
Maaaring makinabang din ang mas matatandang empleyado sa mga training na tutulong sa kanilang makasabay sa mga bagong teknolohiya.
Ang mga patakaran ng isang kompanya ay maaaring repasuhin upang maisama ang mga polisiyang kailangan nang baguhin para makasabay sa panahon. At tulad ng nabanggit na, kailangang umupo ang ating mga mambabatas at magsulat ng mga batas upang magawa ng mga kompanya ang mga pagbabagong isinaad ko sa itaas.
Maaaring bigyan ng incentives ang mga kompanyang tumatanggap ng mas matatandang manggagawa, o kaya naman ay magsagawa ng iba’t ibang uri ng proteksiyon laban sa diskriminasyon sa edad, o mag-alok ng pondo para sa mga inisyatiba ng isang nakatatandang empleyado upang ipagpatuloy ang pag-aaral o pagkatuto.
Mayroon ding papel na dapat gampanan ang ating mga pamayanan at mga organisasyong panlipunan upang masuportahan ang mas nakatatandang manggagawa. Halimbawa, maaari silang magsimula ng mga programang makapagbibigay ng social support, networking opportunities, o access sa mga resources para sa mga pumapasok sa bagong karera, halimbawa.
Bukod dito, kinakailangan ang mga pagbabagong pang-kultura upang itaguyod ang tinatawag na inclusivity at respeto sa mga manggagawa anuman ang kanilang edad. Ang mga inisyatibang lumalaban sa ageism, nagtataguyod ng pagtutulungan ng iba’t ibang henerasyon, at nagpapahalaga sa mga kontribusyon ng mga manggagawang may malawak na karanasan sa hanapbuhay—ang mga ito ay makakatulong sa pagkakaroon ng isang komunidad at industriyang mayroong pagtutulungan at pagkilala para sa lahat ng manggagawa.
Ang bawat indibidwal, pati na rin ang mga organisasyong kanilang kinabibilangan, ay dapat maglagay ng pondo para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang kasanayan upang sila ay makasabay sa nagbabagong panahon.
Ang papel ng mga kompanya at mga mambabatas ay ang lumikha ng mundo na magtuturo sa lahat ng manggagawa at magtataguyod ng kanilang talento at kakayahan.