NAGDEKLARA ang Department of Health (DOH) ng Code White Alert sa lahat ng ospital sa National Capital Region (NCR) simula ngayong araw, Enero 6 bilang paghahanda sa taunang Traslacion o Pista ng Itim na Nazareno sa darating na Martes, Enero 9.
Ang Code White Alert ay idinedeklara sa mga pambansang pagdiriwang na posibleng magdulot ng mga insidente o magkaroon ng mass casualty.
Nakaantabay ang mga medical team sa panahon ng Code White Alert para sa agarang pagtanggap at paggamot ng mga papasok na pasyente sa mga ospital.
Inihanda ang walong health emergency response team kung saan bawat isa ay nilagyan ng mga ambulansya habang naka-deploy sa ruta ng Traslacion upang magbigay ng serbisyong pang-emerhensiyang medikal sa libu-libong deboto na inaasahang lalahok.
Ilalagay ang mga ito sa mga pangunahing lokasyon kabilang ang Quirino Grandstand, Roxas Blvd. cor Ayala (National Museum & Fine Arts), Ayla Blvd. cor Taft (PNU), Ayala Blvd. cor San Marcelino, San Sebastian Church with Reachout, Villarica, Quezon Blvd, Quinta Market, at Paterno, Quezon Blvd.
Layon ng naturang deployment na tiyakin na mabilis at mahusay na emerhensiyang tulong medikal para masiguro ang kaligtasan at kagalingan ng lahat sa araw ng traslacion.
Hinikayat din ng DOH ang publiko ang sumusunod sa mga kinakailangang pag-iingat at hakbang sa kaligtasan sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno. PAULA ANTOLIN