BINIGYAN-DIIN ni House Minority bloc ranking member at AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee na dahil mismong si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na ang nanguna sa panawagan na higit pang palakasin ang climate-resilient agriculture, kailangang maging aktibo ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa nasabing aspeto, partikular sa hanay ng local farming, livestock at aquaculture.
Ayon kay Lee, labis niyang ikinagalak at pinupuri ang naging inisyatibo ni Presidente Marcos na himukin ang lider at iba pang matataas na opisyal sa East Asia na patatagin ang food security sa rehiyon lalo na sa pamamagitan ng pagpapatupad ng agricultural system na kayang labanan ang epekto ng iba’t ibang uri ng kalamidad at climate change.
Magugunitang ginawa ng Punong Ehekutibo ang pagpapaabot ng mensaheng ito sa kanyang pagdalo sa ASEAN Summit sa Cambodia kamakailan kung saan nakaharap din niya ang iba pang world leaders.
Kaya naman tiwala si Lee na higit na paiigtingin ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang implementasyon ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) program nito, sa ilalim ng Systems-Wide Climate Change Office (DA-SWCCO) ng ahensiya.
Pagbibigay-diin ng AGRI party-list solon, dapat mabigyan ng sapat na legislative and budgetary support ang DA-SWCCO at AMIA para matustusan ang community-level research and development interventions nito, na sa ngayon ay mayroon nang 17 pilot sites.
Dagdag pa ni Lee, kung nais ng pamahalaan at maging ng Kamara na maging matagumpay ang naturang programa, kailangang masiguro na may sapat na kagamitan, kaalaman, at kakayahan ang ahensiyang magpapatupad nito.
Naniniwala ang mambabatas na sa pagpapalakas ng climate-resilient agriculture, masusolusyunan din nito ang tinatayang pagkalugi sa ekonomiya ng bansa, na base sa pinakahuling pag-aaral ay aabot sa P26 bilyon kada taon hanggang sa pagsapit ng 2050.
Kabilang sa nais ni Lee na matutukan ng Agriculture department ang aquaculture system, livestock system, vegetable farming, integrated farming system para sa pagtatanim ng mais at palay, kung saan ang produksiyon ng mga ito ay hindi dapat, aniya, labis na maaapektuhan kapag may naganap na kalamidad gaya ng malalakas na bagyo, matinding tagtuyot, water pollution at iba pang dala ng pagbabago sa klima.
ROMER R. BUTUYAN