“PARANGALAN mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.” (Kawikaan 3:9-10)
Kinikilala ng mga Kristiyano na ang Diyos ang may-ari ng lahat ng yaman. Anuman ang mga ari-ariang nasa kanilang mga kamay, kinikilala nilang ipinahiram lang ng Diyos ang mga ito. Sila ay mga katiwala lamang ng Diyos. Dapat na gamitin nila ito para sa kapurihan ng Diyos at hindi para sa kanilang sariling kaluwalhatian o pagyayabang. Ito ang dahilan kung bakit ugali ng mga tunay na Kristiyano na ialay at italaga nila sa panalangin ang anumang ari-arian o kayamanang ibinigay ng Diyos sa kanila.
‘Pag tayo ay ikakasal, pumupunta tayo sa simbahan at sa harapan ng isang pastor at maraming saksi, nananalangin tayo ng pagtatalaga sa ating pag-aasawa na may kasamang pangako sa Diyos na mamahalin natin ang ating kabiyak at magiging tapat sa kanya habang tayo ay nabubuhay.
‘Pag tayo ay magkakaanak, inilalapit natin ang mga bata sa Diyos at nananalangin tayo ng pagtatalaga sa Panginoon at nangangako tayong palalakihin silang may takot at pagsunod sa Maykapal. Kung tayo ay magtatayo ng bahay o gusali, iniimbitahan natin ang isang pastor at maraming saksi at nananalangin tayo ng pagtatalaga sa Diyos na nangangakong gagamitin natin ang mga gusaling ito para sa kapurihan ng Diyos at hindi para sa mga masasamang gawain.
Natutuwa ang Diyos sa gawaing ganito dahil kinikilala natin ang kanyang pagkapanginoon sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Ganito rin ang magandang kaugaliang sinunod ni Haring Solomon. Pagkatapos niyang maitayo ang dakilang templo ng Diyos sa Jerusalem, inimbitahan niya ang maraming mga saksi para marinig ang kanyang panalangin ng pagtatalaga ng gusali sa pangalan ng Panginoon. Ang Arko ng Diyos ay ginawa ni Moises. Ito ay isang kahong gawa sa mamahaling kahoy at nababalutan ng ginto at sa loob nito ay nakalagay ang dalawang pirasong malapad na bato kung saan nakasulat ang Sampung Utos ng Diyos na ibinigay Niya kay Moises.
Ang pagkakasulat dito ay gawa mismo ng daliri ng Diyos sa Bundok ng Sinai. Ang arkong ito ay ang pinananahanan ng Espiritu o presensiya ng Diyos. Noong si David ang hari ng Israel, nagpagawa siya ng tolda at doon niya inilagay ang arko. Subalit dahil sa pagmamahal niya sa Diyos, gusto sana niyang magpagawa ng templo para sa arko subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos dahil maraming dugo ang dumanak sa pamamagitan ng kamay niya dahil isa siyang mandirigma. Ang sabi ng Diyos, ang anak ni David na si Solomon ang magpapagawa ng templo dahil siya ay isang mapayapang tao.
Tinupad nga ng Diyos ang pangako niya. Nang maging hari si Solomon, siya nga ang matagumpay na nagpagawa ng templo. Napakagara ng gusaling ito, pinakamaganda sa buong mundo. Nag-organisa si Solomon ng isang prusisyon para ihatid ang arko ng Diyos mula sa tolda na gawa ni David papunta sa bagong templo. Habang dinadala ng mga Levitang pari ang arko (kasama rin ang mga muwebles para sa templo), si Solomon ay walang tigil na nag-alay ng mga kinatay na baka at tupa na hindi mabilang sa dami. Ipinasok ng mga pari ang arko sa kuwartong tinatawag na “Kabanal-banalan” sa loob ng templo. At paglabas nila, napuno ng napakakapal na ulap ang templo at hindi na makapasok ang sinuman. Ang ulap na ito ay ang presensiya at kaluwalhatian ng Diyos.
Pinuri ni Solomon ang Diyos at nanalangin siya ng pagtatalaga. May pitong punto ang kanyang panalangin: Una, kung may alitan ang sinumang dalawang tao, at mananalangin sila sa harap ng templo, sasagutin ng Diyos ang panalangin at ipapaalam ng Diyos kung sino ang inosente at sino ang may sala.
Pangalawa, kung madadaig sa digmaan ang bayang Israel dahil nagkasala sila, at kung magsisisi sila at mananalanging nakaharap sa templo, sasagutin ito ng Diyos at ililigtas sila.
Pangatlo, kung hindi uulan at magkakaroon ng tagtuyot sa bansang Israel dahil sa kanilang kasalanan, at sila ay magsisisi at mananalanging nakaharap sa templo, sasagutin ng Diyos ang panalangin at ipapadalang muli ang ulan. Ikaapat, kung magkakaroon ng taggutom, salot, o kaya ay pinalibutan ang Israel ng mga kaaway, at magsisisi at mananalangin silang nakaharap sa templo, magpapadala ang Diyos ng kaligtasan.
Ikalima, kung ang mga dayuhang hindi Israelita ay mananalangin sa Diyos ng Israel na nakaharap sa templo, sasagutin ng Diyos ang dalangin ng dayuhan. Ikaanim, kung makikidigma ang Israel laban sa kaaway at mananalangin silang nakaharap sa templo, pagtatagumpayin ng Diyos ang Israel. At ikapito, kung magkakasala ang Israel at masasakop sila ng kaaway, kung mananalangin ang mga Israelitang nakaharap sa templo, Ililigtas sila ng Diyos.
Pagkatapos niyang manalangin, naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa at kambing. Naghandog din siya ng iba pang handog na susunugin, alay na mga butil, at mga taba ng hayop. Nagdiwang ang buong Israel sa loob ng labing-apat na araw. Pinagpala ni Solomon ang lahat ng mga Israelita. Pagkatapos, umuwi silang puspos ng katuwaan. Para tayo pagpalain ng Diyos, manalangin tayo ng pagtatalaga sa Diyos para sa lahat nating ari-arian at kayamanan.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)