“ANG bunga ng karunungan ay higit pa sa gintong dinalisay, mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.” (Kawikaan 8:19)
Sa edad na labinlima, naging hari ng Israel si Solomon. Napakabilis ng mga pangyayari. Mabuti na lang na mula sa pagkabata, tinuruan siya ni Haring David, inang si Bathsheba at Propeta Nathan tungkol sa mga kautusan ng Diyos. Kaya lumaki si Solomon na may takot sa Diyos at may kakaibang talino at dunong. Mahilig siyang mag-aral at magbigkas ng mga kawikaan ng mga pantas bilang gabay niya sa buhay. Ang salawikain ay butil ng karunungan, libreng payo sa ating lalakaran. Ang unang-unang ginawa ni Solomon bilang hari ay ang kilalanin ang Diyos. Diyos ang may-ari ng lahat ng yaman; tayong mga tao’y katiwala lamang.
Pumunta siya sa bayan ng Gibeon, at doon ay nag-alay siya ng mga handog ng pasasalamat at pangkapayapaan sa Maykapal. Kinilala niyang sa Diyos nagmula ang kanyang pagkahari, at Diyos din ang sikreto ng tagumpay. Kung kasama mo ang Diyos, imposibleng mabigo. Kung hindi mo kasama ang Diyos, imposibleng magtagumpay. Tinupad ni Solomon ang itinuro ni Jesu-Cristo: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip. Ito ang pinaka-unang kautusan.” Pinakamataas na prayoridad sa buhay ni Solomon ay ang Panginoong Diyos. Dahil dito, kinalugdan siya. Nagpakita ang Diyos sa kanya sa isang panaginip at sinabi, “Humiling ka ng anuman sa akin at aking ibibigay sa iyo.”
Sinabi ni Solomon, “Bata pa lang ako. Hindi ko alam kung paanong pamumunuan ang dakilang bayang Israel. Bigyan mo ako ng karunungan.” Natuwa ang Diyos sa kanyang hiningi. Sinabi ng Diyos, “Dahil iyan ang hiningi mo at hindi kayamanan o kapangyarihang daigin ang iyong mga kaaway, ibibigay ko sa iyo ang hiningi mo. Pati ang hindi mo hiningi ay ibibigay ko rin – kayamanan, kapangyarihan at kapayapaan. Walang sinumang magiging mas matalino o mas mayaman kaysa sa iyo.”
Ganoon nga ang nangyari. Nagkaroon ng napakalawak na karunungan si Solomon. Bumibigkas siya ng tatlong libong kawikaan at umaawit siya ng isang libo at limang daang awit. Noong una, dahil sa kabataan niya, inakala ng bayang Israel na hindi niya kayang humatol nang mabuti. May pag-aalinlangan sila sa kanyang kakayahan. Subalit isang araw, nang nakaupo si Solomon sa luklukan ng paghahatol, may kasong inilapit sa kanya. May dalawang babaeng nagtutunggali at nag-aangkin ng isang sanggol. Sabi ng una, “Kami ng babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nag-anak ako ng isang sanggol. Nag-anak din siya ng sanggol. Noong gabi, nahigaan niya ang anak niya at ito ay namatay. Ang ginawa niya ay kinuha niya ang buhay kong anak ang ipinalit ang patay niyang anak. Kinaumagahan, pagtingin ko ng mabuti, ang patay na bata ay hindi ang anak ko.” Sinabi ng ikalawang ina, “Hindi! Ang buhay na bata ay akin at ang patay na bata ay sa iyo.” At patuloy na nagsagutan at nagsumbatan ng dalawang ina.
Sumagot si Solomon, “Sabi ng unang ina, “Ang buhay na bata ay akin at ang patay na bata ay sa iyo. Sinabi naman ng ikalawa, “Akin ang buhay; sa iyo ang patay.” Pagkatapos sinabi ni Solomon sa bantay, “Magdala ka ng isang tabak. Hatiin ang buhay na bata; ibigay ang unang bahagi sa unang ina at ibigay ang ikalawang bahagi sa ikalawang ina.” Sumagot ang tunay na ina, “Panginoong Hari, huwag niyo pong patayin ang bata. Ibigay niyo nang buhay sa ikalawang babae.” Sumagot ang ikalawang babae, “Hindi siya magiging iyo at hindi siya magiging akin. Hatiin ang bata.”
Sinabi si Haring Solomon sa bantay. “Ibigay ang buhay na bata sa unang ina sapagkat siya ang tunay na ina.” Nang marinig ng buong Israel ang kahatulan ni Solomon, nanggilalas sila sa karunungan niya.
Dahil sa kanyang karunungan, naging lubos na mayaman si Haring Solomon. Nagkaroon ng ganap na kapayapaan sa Israel. Wala siyang kaaway na kapit-bayan. Lahat ng mga hari sa daigdig ay bumisita sa kanya para marinig ang kanyang karunungan.
Lahat ng mga bisita niya ay nagregalo sa kanya. Nagkaroon siya ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo. Nagtayo siya ng mga lungsod ng kamalig para doon ilagak ang lahat niyang kayamanan. Nagpagawa rin siya ang mga lungsod para doon ilagak ang kanyang mga karwahe at kabayo. Labis na dumami ang mga ginto at pilak na anupa’t ang mga ito ay naging kasing dami ng bato sa Jerusalem. Dumami rin ang mga mamahaling kahoy na cedar na inangkat mula sa bansang Lebanon na para bang ordinaryong kahoy lang ito.
Isa sa mga negosyo ni Haring Solomon ay ang pangangalakal ng karwahe at kabayo. Napakaganda ng lugar ng bansang Israel. Sa timog nito ay ang bansang Ehipto. Sa hilaga at silangan nito ay ang mga bayan ng mga Heteo at Arameo. Sa Ehipto nagmumula ang mga karwahe at kabayo.
Ang Hari ng Ehipto ay biyenan ni Solomon dahil asawa niya ang anak nito. Ibinenta ni Solomon ang bawat karwahe sa halagang 1,200 pilak at bawat kabayo sa 300 pilak sa mga bansa sa hilaga. Pagkabayad ng mga customer, binayaran niya ang biyenan niya ng 600 pilak bawat karwahe at 150 pilak bawat kabayo. Tubong-laway lang si Solomon, kaya naging ubod siya ng yaman.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)