PARA YUMAMAN, PUMILI NG MATALINONG ANAK NA HAHALILI SA IYO

“SA KABILA ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Mangangaral 12:13)

Nang tumanda na si Solomon, napagod siya sa pagiging marunong. Nakita niyang may disadvantage pala ang pagiging sobrang matalino. Kapag masyado kang maalam, bukas na bukas ang iyong mata.

Nakikita mo hindi lang ang mga mabubuting pangyayari sa mundo, kundi pati ang maraming kasamaan at kahangalang laganap sa daigdig. Nakaka-depress talaga ito. Naobserbahan ni Solomon, “Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.” (Mangangaral 1:18).

Halimbawa, ang panganay kong anak ay napakatalino. Masipag siyang mag-aral ng lahat ng mga kaganapan sa daigdig. Namulat ang isip niya sa maraming masasamang ginagawa at pinaplano ng mga taong makapangyarihan sa mundo; dahil dito, nadudurog ang puso niya dahil wala siyang magawa para maitama ang mga kasamaang ito.

Sinabi ni Solomon na nagsawa siya sa pagiging marunong, kaya sinubukan naman niyang alamin ang kahangalan. Sinabi niya, “Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan.” Subalit napagtanto niya na ang lahat ng ito ay walang kabuluhan. Puro pagtutulak lang ng hangin ang lahat ng ito.

Ang pinaka-kinaiinisan niya ay ang masaklap na katotohanang lahat ng tao ay tumatanda at namamatay. Parang walang pinag-iba ang tao sa mga hayop dahil ang dalawang ito ay namamatay at bumabalik sa alabok ang katawan. Isa ring kinaiinisan ni Solomon ay lahat ng pinagpagalan niyang kamtin at ipuning ari-arian ay maiiwan sa ibang tao kapag siya ay mamamatay na.

Hindi niya madadala ang anumang bagay sa kanyang libingan at sa kabilang-buhay. Iiwan niya ang lahat ng pinagpagalan niya sa ibang tao – sa kanyang susunod na saling-lahi – at hindi niya matiyak kung magiging matalino ba ang mga ito na mangangasiwa ng mabuti para hindi masayang at mapunta sa wala ang kanyang pinaghirapan.

Dahil sa inis ni Haring Solomon sa mapait na katotohanang ito, nagalit siya at nagrebelde sa Diyos. Ginawa niya kung ano ang ipinagbabawal ng Diyos – nag-asawa siya nang marami, at hindi mananampalataya sa Diyos ang mga inasawa niya. Sinamba niya ang mga diyos-diyosang sinamba ng kanyang mga paganong asawa. Nagpagawa siya ng maraming rebulto o estatwang gawa sa ginto, pilak, tanso, bato at kahoy. Kahit na pinaalalahanan siya ng Diyos sa pamamagitan ng mga panaginip at mga propeta na mali ang mga ito, hindi siya nakinig. Nagpatuloy siya sa kahangalan niya. Naging mahirap siyang turuan.

Naging mapagmataas at matigas ang puso niya. Walang magagawa ang Diyos kundi ipadala ang parusa sa kanya dahil sa kanyang pagsuway. Dumating ang maraming kaaway sa kanya. Pumili ang Diyos ng ibang taong magiging hari ng bayang Israel – si Jeroboam. At nagselos nang labis si Solomon.

Nang napakatanda na niya, isa sinulat niya ang Aklat ng Ecclesiastes (o Mangangaral) at dito niya isinulat ang mga huling pagbubulay-bulay niya sa buhay. Dito niya ikinumpisal ang kanyang pagkainis at pagkabagot sa takbo ng buhay. Ang kanyang sama ng loob ay ipinahayag niya sa mga salitang, “Napakawalang kabuluhan! Napakawalang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan.”

Sa dulo ng kanyang pagbubulay-bulay, parang may dalang pagsisisi siya dahil sa kanyang pagrerebelde sa Diyos. Kinausap niya ang mga kabataan sa kanyang mga huling salita. Nag-iwan siya ng payo at habilin sa kanila. Sinabi niya, “Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay… Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.” (Mangangaral 12:1, 13-14)

Namuno si Haring Solomon sa bansang Israel sa loob ng apatnapung taon. Namatay siya sa katandaan sa edad na animnapung taon. Pagkamatay niya, humalili ang anak niyang si Rehoboam. Gaya ng pangamba ni Solomon, lumitaw ngang hangal ang anak niya. Pinayuhan siya ng mga matatalinong tagapayo ng ama niya na maging mas magaan sana ang pamumuno niya kaysa sa tatay niya. Inabisuhan siyang gamitin ang “servant leadership” ( Pamumunong mapaglingkod) para maging tapat ang Israel sa kanya. Subalit tinanggihan niya ang payo nila. Ang sinunod niya ay ang payo ng mga barkada niyang hangal na nagsabing dapat siyang mamuno nang mas malupit kaysa sa tatay niya. Dahil dito, nag-aklas ang sampung tribo ng Israel at iniwan si Haring Rehoboam. Pumili sila ng ibang hari. Bukod dito, sa ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, dumating ang hukbo ng bansang Ehipto at inagaw ang lahat ng mga kayamanang pinaghirapang ipunin ni Solomon. Nakapanghihinayang ang lahat! Para mapanatili ang yaman, pumili ng matalinong anak na hahalili sa iyo.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)