PARAAN PARA MA-ENJOY ANG PAGKAIN NANG HINDI KUMAKAIN NG MARAMI

PAGKAIN-3

PAGKAIN ang isa sa ikinatutuwa ng marami sa atin. Hindi nga naman puwedeng mawala ang pagkain sa kinahihiligan nating mga Pinoy. Lahat din ng gusto nating pagkain ay kina-kain natin hindi lamang para mabusog kundi masiyahan ang ating kabuuan.

Ngunit hindi naman puwedeng kainin natin ang lahat ng gusto natin para lang ma-enjoy ito. Hindi lahat ng pagkain ay masasabi nating makabubuti sa katawan. Kumbaga, kung hindi tayo magiging maingat sa ating kinakain, tiyak na may kapalit iyan sa ating pagtanda.

Importante nga naman ang pagiging mapili sa pagkain. O ang pagi­ging maingat. Pero mahalaga ring ma-enjoy natin ang ating kinakain. Kaya na-man, para ma-enjoy ang kinakain nang hindi kumakain ng marami, narito ang ilan sa tips na kailangang subukan:

PILIIN ANG MGA KAKAININ

PAGKAIN-4Marami sa atin na kapag may nakahaing masasarap na putahe sa harapan, lalo na kapag nasa party, lahat ng putahe ay gustong tikman. Madalas ding napararami ang kain natin kapag nasa labas tayo o nasa party.

Isa nga naman sa pinoproblema ng marami ang pagpipigil sa sarili sa pagkain. Mahirap hindian ang sarili lalo pa’t katakam-takam na mga pagkain ang nasa ating harapin.

Gayunpaman, huwag tayong magpapahulog sa rami ng pagkaing nasa ating harapin. O sa sarap nito. Kailangang maging aware pa rin tayo na lahat ng sobra ay nakasasama.

May iba pa naman sa atin na takaw-tingin. Kuha lang nang kuha ng pagkain na kung minsan ay hindi naman nauubos.

Bago kumuha ng pagkain, makabubuti kung pag-iisipan muna ang talagang gustong kainin. Tingnan muna ang lahat ng mga pu-tahe saka kumuha. Piliin din ang mga healthy na pagkain.

NGUYAING MABUTI ANG PAGKAIN

Mas mae-enjoy mo rin ang iyong kinakain kung ngunguyain itong mabuti. Marami sa atin ang laging nagmamadali kaya’t lahat din ng bagay ay minamadali. Halimbawa na nga ang pagkain. Para matapos kaagad ang pagkain, halos ayaw nang nguyain at nilu-lunok na lang agad.

Mahalaga ang pagnguyang mabuti ng pagkain. Unang-una, kapag nanguya itong mabuti ay mas madali itong mada-digest. At ikalawa naman ay mas ma-e-enjoy mo ang iyong pagkain kung nalalasahan mong mabuti ang iyong kinakain.

Kaya naman, maglaan ng panahon sa pagkain at nguyaing mabuti ang iyong kinakain.

KUMAIN SA LAMESA AT IWASAN ANG DISTRACTIONS

PAGKAIN-5Sa totoo lang, sa rami rin ng ginagawa ng bawat isa sa atin, kadalasan ay nagmu-multitask tayo. Marami sa atin na pinagsasabay ang maraming bagay—nagsusulat habang kumakain o kaya nagbabasa o nakikipag-usap habang kumakain. Mayroon ding ku-makain habang nanonood ng TV.

Isa sa dapat nating iwasan ay ang pagmu-multitask. Gaya na nga lang ng pagkain habang may ibang ginagawa. Sa ganitong paraan kasi, bukod sa mas mapararami ang kain mo, hindi mo rin ma-e-enjoy ang iyong kinakain.

Mas maganda rin kung sa lamesa kakain at hindi sa kung saan-saan lang.

GUMAMIT NG MAS MALIIT NA PLATO

May iba’t ibang laki ng pinggan. At dahil iba-iba ang laki ng pinggan na mayroon ang bawat tahanan o restaurant, isa sa mabuti o magandang piliin ay ang maliit na pinggan.

Kung maliit nga naman ang pinggang gagamitin, maiisip mong ma­rami kang kinakain dahil na rin sa puno ang pinggan kahit pa ang totoo naman, kakaunti lang ang talagang laman niyon.

Sabihin mang dinaraya mo ang iyong sarili o paningin, mainam itong paraan para maiwasan ang pagkain ng sobra at ma-enjoy ang pagkain.

MAGLUTO PARA SA BUONG PAMILYA

PAGKAIN-6Walang makahihigit sa isang putaheng sa mismong bahay inihanda o iniluto. Kaya naman, para ma-enjoy ng buong pamilya ang pagkain, magandang option ang pagluluto sa bahay at pagsaluhan ninyo ito.

Maraming paraan para ma-enjoy natin ang pagkain nang hindi tayo kumakain ng marami. At ang mga paraan sa itaas ay ilan lamang sa maaari ninyong subukan.  CS SALUD

Comments are closed.