(Ni CT SARIGUMBA)
MASARAP ang magtrabaho lalo na kung tahimik o matiwasay ang isang opisina. Pero iyong mga inaasahan nating magandang opisina, malaking suweldo o makasusundong katrabaho, minsan ay hindi ito ganoon kadaling makamit. Siyempre, kailangan pa rin ang pagsisipag. At higit sa lahat, ang pakikisama.
Sabihin mang hindi talaga nawawala ang gulo at problema sa pagitan ng magkakatrabaho. Kung sa mag-asawa nga’t magkaibigan, hindi naiiwasan ang hindi pagkakaunawaan, sa pagitan pa kaya ng magkatrabaho na magkaiba ng pinaniniwalaan, kinalakihan at pagtingin sa mga bagay-bagay.
Pero sa kabila ng hindi maiiwasang problema sa trabaho, kailangan pa rin nating siguraduhing magiging matiwasay ang lugar na ating pinagtatrabahuan.
At nang ma-achieve ito at maging produktibo, narito ang ilang paraan na maaaring gawin ng bawat empleyado:
MAGSIPAG SA PAGTATRABAHO AT IWASAN ANG GULO
Kung minsan ay hindi naiiwasan ang problema o gulo sa trabaho. Marami rin kasing nagiging dahilan kung kaya’t naiinis tayo o kung minsan ay nauubos ang pasensiya at nagagawang sumigaw at magalit.
Maraming aspeto naman talaga o dahilan kaya nauubos ang pasensiya ng isang tao. Una na nga sa dahilan ay sa sandamakmak na kailangang tapusin. Ikalawa, stress na lagi nating katabi sa araw-araw o bawat minuto. Ikatlo, mga katrabaho o boss na nakaiinis o nakaiirita at mga hindi mabilang na dahilan.
Kung hindi nga naman natin pipigilin ang sarili, tiyak na makahahanap tayo ng away o makapagsisimula tayo ng hindi pagkakaunawaan.
Ngunit marami mang problema ang maaaring kaharapin sa buong araw na pagtatrabaho sa opisina, makabubuti pa rin kung kakalmahin ang sarili—sa kahit na anong panahon o pagkakataon.
Iwasan ang mainis kaagad o magalit.
Kung sakaling may nakagawa ng pagkakamali o may nagalit sa iyo, bago magsalita o gumawa ng aksiyon ay kumalma muna. Ipikit ang mata at huminga nang malalim.
Kung mainit kasi ang ulo ng isang taon, hindi nito maiisip ang sasabihin. Makapagbibitaw rin ito ng masasakit na salita. At maaari itong magdulot nang mas malalang tensiyon.
Makabubuti rin kung imbes na gumawa ng tsimis o manira ng kapwa ay ang magtrabaho na lamang nang maayos.
Galingan pa upang ipagmalaki ng mga mahal sa buhay, kaibigan, gayundin ng mga katrabaho o maging boss.
IWASAN ANG MAGPA-LATE SA TRABAHO
Isa sa pinoproblema ng marami sa atin ay ang walang katapusang traffic. Kaya nga, para lamang hindi ma-late ay sinisikap nating umalis nang maaga sa ating mga tahanan.
Pero hindi natin hawak ang oras at panahon. Minsan, kahit na sobrang aga na nating umalis nang bahay ay nale-late pa rin tayo sa trabaho o inaabot ng traffic.
Gayunpaman, sabihin mang hindi natin matantiya ang traffic, makabubuti pa ring iiwasan ang pagpapa-late sa trabaho nang mas magawa nang maayos ang mga nakaatang na gawain.
Mas maiiwasan din ang stress at problema sa opisina kung maaga kang pumapasok. Mas magiging creative ka rin at produktibo.
MAGING HANDA SA TUWING MAGTUTUNGO SA OPISINA
Kung araw-araw rin tayong nagtutungo sa opisina, kadalasan ay inaabot o dinadalaw tayo ng katamaran.
May mga panahon ding tila gusto na lang nating humilata sa kama at walang gawin. Iyon nga lang, hindi puwede dahil kailangan nating pilitin ang sariling tumayo at magtungo sa opisina nang magampanan ang nakaatang na mga gawain.
Kahit naman sino siguro ay dinadalaw talaga ng katamaran. Gayunpaman, kung hahayaan ang pakiramdam na ito ay tiyak na walang matatapos na gawain. Puwede ring manganib ang trabaho.
Hindi naman kasi lahat ng empleyado ay maaaring basta-basta na lang nawawala o lumiliban sa trabaho. Kaya kung liliban ka nang wala namang matibay na dahilan gaya ng problema sa bahay o pagkakaroon ng sakit, puwede kang ma-bad shot sa pinagtatrabahuan, gayundin sa mga kasamahan mo.
Higit din sa lahat, maging handa rin sa araw-araw o sa tuwing magtutungo sa trabaho. Kumbaga, hindi puwede iyong basta-basta na lang pupunta ng opisina tapos hindi naman naihanda ang sarili para magampanan nang maayos ang trabaho.
TAPUSIN NANG MAS MAAGA ANG MGA GAWAIN
Iba-iba ang trip ng bawat empleyado. May ilan na mas gustong natatapos nang mas maaga ang kanilang trabaho nang mas maging maganda ang kalabasan nito. May iba naman, saka lamang ginagawa kapag malapit na malapit na ang deadline.
Marami rin naman kasing empleyado na saka nakapag-iisip o ginaganahang kumilos o magtrabaho kapag sagad na sagad na ang deadline. Mas nagiging produktibo nga naman sila.
Gayunpaman, mas matiwasay pa rin ang pagtatrabaho kung wala kang hinahabol na deadline. Mas makapagre-relax ka at higit sa lahat, magkakaroon ka pa ng panahong rebyuhin o repasuhin ang iyong ginawa kung mas mahaba pa ang nalalabing oras na mayroon ka.
Kaya kung gusto mong maging maayos ang pagtatrabaho mo ngayong taon at magkaroon ka pa ng mas mahabang oras, simulan nang mas maaga ang iyong mga kailangang gawin at tapusin din ito nang mas maaga.
MAGING PROPESYUNAL
Kung may kinahaharap din tayong problema sa trabaho, higit ding malaki ang problemang nakapatong sa ating balikat kung ang pag-uusapan ay pamilya.
May kanya-kanya nga namang tayong personal na problema. Gayunpaman, kung ano man ang problema natin sa opisina ay huwag na huwag nating dadalhin sa bahay. At kung anuman ang problema natin sa bahay, iwanan din natin ito sa ating mga tahanan at huwag na huwag bibitbitin sa trabaho.
Maraming paraan upang maging matiwasay at maayos ang pagtatrabaho natin sa buong taon. Ano’t anuman ang gawin nating paraan, tayo lamang din ang makapagsasabi kung epektibo ito o hindi.
Higit sa lahat, tayo lamang din ang makapagbibigay ng katiwasayan sa ating buhay—sa trabaho man, sarili o pamilya.
Comments are closed.