PARAAN PARA MAPANGALAGAAN ANG TAHANAN NGAYONG MAINIT ANG PANAHON

TAHANAN-9

(Ni CT SARIGUMBA)

SA TINDI ng init ng panahon, hindi na rin natin mawari kung ano ang gagawin. Minsan nga, ayaw na nating lumabas ng bahay para lang hindi mahilo sa tindi ng init. May mga ginagawa rin tayong paraan upang ma­ibsan ang init na ating na-darama gaya ng lang ng pagligo at pagkain ng malalamig na pagkain.

Pero ngayong tag-init, hindi lamang mga sarili natin ang kaila­ngan nating ingatan o alagaan kundi maging ang kabuuan ng ating tahanan.

Pinaghihirapan nga naman ng lahat sa atin ang pagkakaroon ng sariling tahanan at mga gamit sa loob nito. Ginagawa natin ang lahat para makuha ang bahay na inaasam-asam natin. At dahil diyan, narito ang ilang summer home mainte-nance tips o mga paraan para mapangalagaan ang ating tahanan ngayong mainit ang pa­nahon o summer:

LINISIN ANG REFRIGERATOR AT MGA ELECTRIC FAN

Lumalakas ang kunsumo natin ng koryente kapag mainit ang panahon. Napadadalas din ang paggamit o pagbubukas natin ng refrigerator. Dahil din sa init ng panahon, kaila­ngang maglagay tayo ng maraming tubig, juice at kung ano-anong pagkaing makatutulong upang lumamig ang init na nadarama natin.

Nariyan din ang walang patid na paggamit natin ng electric fan para lang maibsan ang init na ating nadarama. At ilan nga sa mga bagay o gamit na madalas nating ginagamit kapag mainit ang panahon ay ang refrigerator at electric fan.

At dahil ang mga nabanggit ang madalas na ginagamit kapag mainit ang panahon, kailangan natin itong i-check at linisin.

Halimbawa na lang ang electric fan, dumudumi ito o nagkakaalikabok lalo na kapag madalas nating ginagamit. Dahil din sa alikabok o dumi ay humihina ang ibinubuga nitong hangin. Maaari ring maging dahilan ng pagkakasakit ang alikabok na nagmumula sa electric fan.

Kaya naman, upang masigurong malinis ito, ugaliin ang paglilinis nito. Puwede mo itong linisin kahit na isang beses sa isang linggo. Siyempre, pagpahingahin din ang electric fan nang hindi ito mag-overheat. Kapag hindi ginagamit ay tang-galin ito sa saksakan.

Ikalawa ang refrigerator. Marami tayong inilalagay na pagkain at mga inumin lalo na kapag mainit ang panahon. Kaya naman, siguraduhin ding ma-linis ito. Una, i-check ang loob ng refrigerator at tanggalin ang mga pagkaing sira na o hindi na mapakikinabangan. Linisin ding mabuti ang loob nito nang hindi magkaroon ng amoy.

I-CHECK ANG GUTTER

Isa pa sa dapat na­ting pagtuunan ng pansin ang gutter at bubong ng ating tahanan. Kapag maulan, tinatanggalan natin ito ng mga tuyong dahon at kung ano-ano pang makasasanhi ng pagbabara nito.

Pero hindi lamang sa tuwing maulan o tag-ulan dapat natin itong gawin kundi sa kahit na anong panahon.

Madalas na nagkakaroon ng tuyong dahon at kung ano-anong sanga ang bubong at alulod lalo na kung may mga puno sa paligid o nakapalibot sa ating tahanan. At para masigurong safe ang ating tahanan, uga­liin ang pag-check nito at paglilinis.

Mabuti na nga naman iyong sigurado tayo kaysa magsisi tayo sa kapabayaang ginawa natin.

Kung hindi naman kayang i-check nang mag-isa ang bubong at alulod ay maaaring kumuha ng gagawa nito. Sig-uraduhing marunong ang kukunin nang hindi mamroblema.

BIGYANG-HALAGA ANG CARPETS AT SOFA

Maraming tahanan ang may carpets. Nakagaganda nga naman ito ng sala. Isa rin ito sa dapat nating linisin  lalo na kapag mainit ang panahon. Mara-mi kasing dumi, alikabok at kung ano-anong insektong maaaring manahanan dito.

Gayundin ang sofa, kailangan natin itong linising mabuti. Puwede itong i-vacuum nang mawala o maalis ang kung ano-anong dumi, alikabok at in-sektong maaaring tumira rito.

Isa rin sa swak na lugar o panahon sa pag­lilinis ng mga ito ay ang summer.

LINISIN AT AYUSIN ANG MGA BINTANA

Kapag summer din, madaling dumumi ang ating mga bintana dahil sa alikabok na nangga­ling sa labas o kalsada. Isa ring pagkakataon o puwedeng gawin kapag summer ang paglilinis ng bintana. Mas madali ring maglinis kung mainit ang panahon dahil hindi ka maaabala at madali itong matutuyo.

Kaya maglaan ng panahong maglinis ng bintana o buong bahay nang masiguro ang kaligtasan ng buong pamilya.

SIGURADUHING HINDI TUMUTULO ANG GRIPO

Huwag ding kaliligtaang i-check ang gripo nang matiyak na wala itong tulo o leak.

Kapag mainit pa naman ang paligid, napalalakas ang paggamit natin ng tubig. At kung may tulo ang mga gripo, kahit na sabihing kaunti o patak lang iyan, malaki pa rin ang nasasayang na tubig.

Huwag kaliligtaang i-check ang mga gripo sa loob at labas ng bahay nang masigurong wala itong sira o tulo. At para na rin makapagtipid ng tubig.

ALAGAAN ANG WASHING MACHINE

Hindi naman lahat ng tao ay nagpapalaba o nagpapa-laundry. Marami pa rin sa atin na kahit na sobrang abala sa trabaho ay mas pinipili pa rin ang maglaba ng damit ng pamilya.

Iba rin kasi ang pakiramdam kung ikaw mismo ang naglalaba ng inyong damit dahil hindi ka kakabahan na baka marumi ito, masira o kaya naman mangati ang pamilya mo sa gagami­ting sabon at fabric conditioner.

At dahil isa pa sa madalas na ginagamit ng maraming pamilya ang washing machine, hindi rin ito dapat pinababayaan. Bagkus ay dapat itong ala-gaan.

At swak na swak ngayong summer ang paglilinis ng washing ma­chine. I-check ang washing machine nang masigurong walang du­ming nakadikit doon. Kapag may nakitang duming nag-build up sa washing machine, maaari itong linisin gamit ang mixture ng ¾ na tasang chlorine bleach at warm water. Punasan lang ang parteng mayroong dumi gamit ang ginawang mixture. Punasan ito at patuyuin.

Ang ganitong pro­seso ay makatutulong upang mawala ang amoy sa washing machine, gayundin ang mga dumi.

Hindi lamang sarili at pamilya ang kailangan nating alagaan ngayong summer, kundi maging ang ating tahanan at ang mga gamit na nasa loob nito.

(Images source: homeadvisor.com, budgetdumpster.com, codysappliancerepair.com, carpetliving.com)

Comments are closed.