PARAAN UPANG MAGAMPANAN ANG TRABAHO

TRABAHO-11

(NI CT SARIGUMBA)

HINDI maiiwasan ang ma-stress, gayundin ang mapagod. Sa araw-araw nga naman nating pagtatrabaho, gaano man natin kamahal ang ating trabaho ay dumarating pa rin ang pagkakataong napapagod at naii-stress tayo.

Hindi rin naman kasi mabilang ang problema at pagsubok na dumara­ting sa atin sa araw-araw. Bukod sa rami ng trabahong kailangang harapin at tapusin, may mga kasamahan pa tayo sa trabaho na nakaiinis. Iyong tipong walang magawa kundi ang mang-inis o makialam. Kapag ganyan pa naman ang loob ng opisina, mas lalo tayong naii-stress at nakadarama ng pagod.

Gayunpaman, sabihin mang pagod tayo at stress ay kailangan pa rin nating magampanan ng maayos ang ating trabaho. Hindi naman natin puwedeng idahilang pagod o stress tayo kaya’t liliban tayo sa trabaho.

Kaya naman, narito ang ilang simpleng tips nang magawa ng maayos ang trabaho sa kabila ng nadaramang kapaguran at stress:

ALAGAAN ANG KATAWAN AT ISIPAN

Oo nga’t napakarami nating kailangang gawin sa araw-araw. Nariyang hindi pa nga natin nasisimulan ang gawain ay nakadarama na tayo ng kapaguran. Kapag naiisip kasi natin ang dami-dami nating kailangang tapusin, nananamlay na tayo.

Kailangan nating ingatan, hindi lamang ang ating katawan kundi maging ang isipan nang magawa natin ng maayos ang mga nakaatang sa ating gawain.

Kaya naman, siguraduhin ang pagkain ng healthy. Iwasan ang pagkaing nakasasama sa kalusugan.

Sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain ay natutulungan nito ang katawan upang malabanan ang nadaramang stress at kapaguran. Mas madali ring magagawa ang trabaho kung may laman ang tiyan.

Kaya huwag nang magdahilan at kumain ng masusustansiya. Iwasang mag-skip ng meal. Uminom din ng tubig nang mapanatiling hydrated ang katawan.

MAG-RELAX SAGLIT AT BIGYAN NG PANAHON ANG SARILING MAKAPAG-ISIP

Kapag pagod tayo at stress, ang hirap-hirap magtrabaho. Ang hirap-hirap na mag-isip. Kung minsan tuloy, lalong humihirap ang ating gawain o trabaho.

Sa ganitong mga pagkakataon, huwag pipilitin ang sarili. Bagkus ay mag-relax na muna kahit saglit at hayaang ma-refresh ang utak nang makapag-isip at magawa ang nakaatang na gawain.

MAGKAROON NG POSITIVE ATTITUDE

Ano pa man ang kinahaharap na problema sa trabaho man o sa buhay na nagiging dahilan mg stress at kapaguran, panatilihin pa rin ang positibong pananaw at pag-uugali.

Lahat naman tayo ay nakararanas ng problema at pagsubok. At kung didibdibin natin ito, tayo lamang din ang mahihirapan.

Kaya naman, ano’t ano pa man ang kinahaharap sa trabaho man o sa personal na buhay, manatiling positibo.

Sa pamamagitan din ng positibong pag-uugali ay mas magkakaroon ng lakas upang magawa ang trabaho ng maayos.

PAGANDAHIN ANG WORKING SPACE

Nakaeengganyo ring magtrabaho kung maa­yos, malinis at maganda ang lugar na ating pinagtatrabahuan.

Kaya para mawala ang pagod at maiwasan ang stress, pagandahin o lagyan ng dekorasyon ang opisina.

Magandang paraan din ito upang makapag-isip ng maayos at magawa ang mga nakaatang na trabaho.

MAG-BREAK KAHIT SAGLIT

Para rin ganahang magtrabaho, huwag ding kaliligtaang mag-break kahit na paminsan-minsan o saglit lang.

Halimbawa na lang ang lunch o coffee break. Lumabas sa coffee break kasama ang mga katrabaho. Huwag maglagi lang sa table o opisina.

GUMALAW-GALAW SA OPISINA

Isa sa ginagawa ko kapag tila ayaw ma­kisama ang utak ay ang paglalakad-lakad sa loob ng opisina. Ang saglit na paglalakad-lakad kapag stress at pagod ay mai­nam na gawain upang mabuhayan ang kalamnan.

May ilan sa atin na kapag pagod at stress, ayaw gumalaw at nakatutok lang sa kompyuter o nakaupo lang sa table sa opisina. Mas lalo kang makadarama ng pagod kapag ganoon. Mas makatutulong upang mabuhayan ng loob kung maglalakad-lakad ka kahit sa loob lang ng office.

MAKINIG NG MUSIKA AT NGUMITI

Isa pa sa makatutulong para maibsan ang nadaramang pagod at stress ay ang pakikinig ng musika. Nakagagana ring magtrabaho kung nakikinig tayo ng paborito nating tugtog o kanta.

Napakaimportante rin ng pagngiti nang mawala ang bad vibes.

Maraming paraan upang magawa natin ng maayos ang ating trabaho kahit pa pagod tayo at nakadarama ng stress. (photos mula sa monster.com, nbcnews.com at smart-office.net)

Comments are closed.