Akala ng marami, porket nagtanim ka ng puno ay laging maganda na ang resulta nito para sa kalikasan. Kaya naman nauso ang kaliwa’t kanang tree planting activities. May mga inisyatiba pa nga na nakatuon lamang sa pagpaparami ng mga puno na mataas ang economic value, kagaya ng gmelina at mahogany.
Lingid sa kaalaman ng ilan, ang pagtatanim ng mga puno na hindi native dito sa atin ay nakakasira sa biodiversity (saribuhay) ng ating kapaligiran. May mga puno at halaman na kagaya ng sampaloc, malunggay, acacia mangium, at eucalyptus na exotic, o iyon ngang hindi native dito.
Ang mga ito ay maaaring itanim sa ating mga bakuran at sa mga lupain ng mga magsasaka, ngunit kapag inilagay na ito sa kagubatan (wild), dito na nagkakaroon ng problema.
Upang makatulong sa suliraning ito ay naisipan ni Marinell Cahibaybayan George na magsimula ng isang maliit na nursery upang maparami ang mga buto ng native trees gaya ng kayumanis, galo, at alibangbang. May mga wildlings na rin dito gaya ng bignay, binayuyo, banaba, at katmon.
Ayon kay Marinell, nais niyang “maipakita sa tao na posible tayong mamuhay nang maayos na hindi tayo nakakasira sa kalikasan.” Lalo na para sa mga magsasaka na kagaya niyang sa kalikasan nagmumula ang ikinabubuhay.
Dagdag pa niya, “Bilang pagbabalik sa lahat ng nakukuha ko sa kalikasan, marapat lang na gumawa din ako ng bagay na ang kalikasan naman ang makikinabang.”
Ang Saluysoy “Laudato Si” PNT Nursery ay matatagpuan sa Sitio Kalye Guapo Bendita 1 Magallanes, Cavite.
Tumatanggap sila ng mga donasyon at boluntaryong pagtulong mula sa publiko.
Maaaring hanapin sa Facebook ang page ni Marinell C. George.