UPANG makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) habang pinapairal ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang on-site digital disbursement sa ilalim ng cash assistance program ng lungsod na tinatawag na “Paraña-Cash” via “Bank-on-Wheels” (BOW).
Sa pakikipag-ugnayan sa Union Bank of the Philippines (UnionBank), ang benepisyaryo na aabot sa 50,000 pamilya sa lungsod ay maari nang i-withdraw ang kanilang P5,000 COVID cash aid sa pamamagitan ng BOW, isang 5G-powered at airconditioned banking kiosk na isinakay sa isang mobile van.
Ang mobile van ay idinisenyo upang madaling makagawa ng transaksyon ang mga customer nito sa standard automated teller machine (ATM) tulad ng pag-withdraw ng pera, pag-check ng balance sa kanilang account, fund transfer at pagbabayad ng mga bills, na ang lahat ay hindi na kailangan pang umalis sa kanilang komunidad.
“Isa na naman itong karangalan dahil na-witness naming ang pilot run ng on-site digital disbursement ng Paraña-Cash Assistance Program na P5,000 kada pamilya sa Paranaque,” ani City Mayor Edwin L. Olivarez sa paglu-lunsad nito sa Barangay Moonwalk kamakalawa kung saan naging bisita sa okasyon sina Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica, Union Bank Senior Vice President Paolo Baltao, City Business Permit and Licensing Office (BPLO) Chief Melanie Soriano-Malaya at iba pang opisyales ng City hall.
Sinabi ni Olivarez na sa naturang programa, buong-buong matatanggap ng mga lokal na residente ang benepisyo ng makabagong teknolohiya sa panahon ngayong community quarantine at pandemya.
Sinabi ng alkalde na nagsimula ang pagtanggap ng ayuda ang mga residente noon pang nakaraang dalawang linggo sa pamamagitan ng kanilang mga UnionBank EON VISA Card.
Ayon kay Olivarez, ang mga pamilya na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ay makatatanggap ng P5,000 cash assistance bilang parte ng relief efforts ng lungsod upang kahit papaano ay mapunan ang naging epekto sa ekonomiya ng pandemya na dulot ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.