PARAÑAQUE KINILALA NG DILG SA PAGTUPAD SA TUNGKULIN

Edwin L. Olivarez

DAHIL sa matapat na tungkulin ng pamamahala at pamamalakad, ginawaran kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamahalaang lokal ng Parañaque ng 2019 Seal of Good Financial Housekeeping kabilang ang 1,706 na iba pang lokal na pamahalaan sa bansa.

Ang pagkakapili ng DILG sa Parañaque City sa naturang kategorya ay dahil na rin sa magandang ipinakita ng lungsod hinggil sa pagtupad ng tungkulin sa larangan ng sound fiscal management, transparency at accountability.

Nang makarating kay Pa­rañaque City Mayor Edwin L. Olivarez ang pagkakapili ng DILG sa lungsod ay ikinagalak  at nagpasalamat  ito sa pagganap ng tungkulin ng mga kawani ng Budget Office and Accounting Division (BOAD) na sumunod sa performance standard na itinakda ng Commission on Audit (CoA) upang mapangalagaan ang pagkontrol at pagpaplano ng mga kinita at pagkakagastusan ng lungsod.

Ayon kay Olivarez, dati na ring nakamit ng Parañaque ang parehong rekognisyon noong taong 2017.

Base sa kanilang rekord, sinabi ni Olivarez na makikita ang hindi pangkaraniwang progreso sa nagdaang anim at kalahating taon dahil sa paglobo ng lokal at banyagang pamumuhunan sa lungsod kung saan ang huling talaan nito ay umabot na sa 30,000 establisimiyento.

Dagdag pa ni Olivarez, sa pagsasara ng libro noong nakaraang taon ay nakakolekta ang siyudad ng P5.3 bilyon dahil sa intensive tax campaign at automation sa pagpo-proseso ng buwis.

Sa patuloy na pagtaas ng kita ng lungsod, sinabi ni Olivarez na gumawa sila ng hakbang tungkol sa sound economic policies at mahinahon na pagbabawas ng kita ng lungsod at ang isa dito ay ang polisiya ng pagbibigay ng kaalaman sa publiko hinggil sa pang-araw-araw ng operasyon ng lungsod. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.