SUMAKABILANG BUHAY na ang visual artist at sculptor na si Alfredo ‘Al’ Perez sa edad na 76.
Kilala sa kanyang mga obra na mga lumang simbahan, mother and child at abstract na mga bulaklak, nag-iwan si Perez ng magandang legasiya sa mga Pilipino.
Nagtapos si Perez ng advertising Arts sa College of Architecture and Fine Arts (CAFA) noong 1968.
Nahasa ang kanyang talento sa pagpipinta sa UST at sa paglaon ng panahon kasunod ng pagbiyahe sa Amerika kung saan siya nag-aral sa New York sa Arts Students League noong 1984 at sa School of Visual Arts noong 1996.
Nakasama rin nito sa kanyang journey sa pagpipinta kung saan siya humugot ng inspirasyon, ang mga itinanghal na national artist na sina Vicente Manansala at Dean Jose Joya at maging si Mauro Malang. Sa panahon na iyon, ang batang Al Perez sa karangan ng sining ay nagsisimula nang makilala.
Ayon sa pahayag sa The Varsitarian, ni Eleazar Abraham “Abe” Orobia, public relations officer ng UST Atelier Alumni Association, Inc., tumulong si Perez na itaas ang kamalayan at pangalagaan ang maraming heritage places of worship sa pamamagitan ng kanyang sining.
“Nag-ambag siya sa mas mahusay na pagpapahalaga sa mga makasaysayang lugar at mga bahay sambahan. Higit sa lahat, ang kanyang mga gawa sa genre ay nakadokumento ng mga luma at orihinal na tampok ng mga istruktura na nawala na o mawawala sa malapit na hinaharap,” sabi ni Orobia.
Ang pagkahilig nitong ipinta ang mga simbahan ay bunga ng pagkarelihiyoso ng kanyang ina at lola, na sa kanilang pananampalataya sa Dakilang Lumikha ay sinagot ang kanilang mga dalangin nang pagalingin ang noon ay nagkasakit na batang Perez.
Bumuhos ang parangal at pakikiramay ng mga kapwa artist kay Perez na inilarawan nilang mapagkumbaba, maalalahanin, matulungin at walang kaaway.
Tubong Hagonoy, Bulacan, ipinanganak si Perez noong Marso 30, 1947.
Ayon kay Ms. Esther Garcia, pangulo ng Dynamic Art Group kung saan kabilang si Perez, nakatakda sanang magdaos ito ng panibagong one man show sa kanya mismong kaarawan sa Marso 30.
Wala aniyang makapapantay sa kasipagan at husay makisama ni Perez.
Halos lahat ng art exhibition ay dinadaluhan nito bilang pagpapakita ng suporta.
REGALO SA SANTO PAPA
MALIMIT siyang makita na nakasuot ng chaleco, sombrero at backpack sa tuwing dadalo sa mga art exhibit, tumatak din si Al Perez sa pagpinta
sa mga Santo Papa nang dalawang beses: noong 1981, nang ipininta niya ang Agoo, La Union Church para kay Pope John Paul II, at noong 2015 nang gumawa siya ng larawan ni Pope Francis kalong ang isang bata sa pagbisita nito sa Pilipinas noong 2015.
Ang kanyang mga obra ng heritage churches at iba pang mga relihiyosong pigura ay ginawang selyo ng Pilipinas.
Si Perez, ayon sa kanyang mga kaibigan ay nominado upang maging pambansang alagad ng sining.
Nakaburol ang mga labi ni Perez sa Loyola Memorial Chapels sa Marikina at ihahatid sa kanyang huling hantungan ngayong Miyerkoles. (Teksto at mga larawan ni SUSAN CAMBRI)