PARATANG NI HONTIVEROS VS DUTERTE ‘EXAGGERATED’

Magkape Muna Tayo Ulit

SA PAGGUNITA sa International Human Rights Day noong nakaraang linggo, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na si Pangulong Duterte ang ‘single biggest threat to human rights’. Ang ibig niyang sabihin ay si Duterte raw ang nag-iisang malaking banta sa karapatang pantao sa ating bansa. Ha?

Iyan na nga ang sinasabi ko, eh. Panahon na naman ng eleksiyon at samu’t saring paninira at batikos ang gagawin ng ilan sa ating mga politiko upang sumikat lamang. Nanalo si Hontiveros bilang senadora noong 2016. Kasabay niyang nahalal si Pangulong Duterte noong May 2016 elections. Maaari siyang tumakbo ulit para sa ikalawang termino sa 2022. Subalit tila puspusan ang pagtulong niya sa mahinang line-up ng oposisyon para sa 2019 mid-term elections.

Mabigat ang mga binitawang salita ni Sen. Hontiveros laban sa kampanya ni Duterte kontra ilegal na droga at kriminalidad. Ayon kay Hontiveros, sinira o winasak ni Duterte ang mga institusyon upang pangalagaan at proteksiyunan ang karapatang pantao. Ang ating bansa daw ngayon ay kuta ng mga lumalabag sa karapatang pantao. Talaga po ba, Sen. Hontiveros?

Ang pinaghuhugutan ni Hontiveros ay ang umano’y madugo at mapang-abusong giyera laban sa ilegal na droga. Libo-libo raw ang namamatay at ang karamihan daw na biktima ay mahihirap. Samantalang ang mga ‘big time druglord’  tulad ni Peter Lim ay malaya pa hanggang ngayon. Dagdag pa ni Hontiveros ay patuloy pa rin ang mga korap na opisyal ng gobyerno na nagpapalusot ng bilyon-bilyong halaga ng shabu sa Bureau of Customs.

Dagdag pa ni Hontiveros, ang batas daw sa administrasyon ni Duterte ay namimili. Hinahayaan at pinapaboran daw ang mga korap na politiko at mga malalapit sa kanya. Samantala, ang mga oposisyon sa politiko at mga grupo na tutol sa pamamahala ni Duterte ay hindi raw nabibigyan ng wastong hustisya. Isinama pa niya rito ang media.

Alam po ninyo. Magpakatotoo po tayo. Noong panahon ni Hontiveros o sabihin na natin na panahon ng mga dilaw, namayagpag sila. Ano ba ang nangyari noong anim na taon ni PNoy kung ang pag-uusapan ay karapatang pantao, ilegal na droga at korupsiyon? Hindi ba bago pumasok ang administrasyon ni Duterte, grabe ang bentahan ng shabu? Hindi ba pati ilang lokal na politiko ay sangkot sa ilegal na droga? Hindi ba may mga opisyal sa gobyerno, pati na sa PNP na sangkot at nagbibigay ng proteksiyon sa ilegal na droga?

Hindi ba’t may mga namayagpag na malalapit kay Pangulong Aquino na nakapasok sa mga malalaking kontrata sa gobyerno? Sino ba ang nakakuha ng kontrata sa maintenance ng MRT3 kahit walang alam sa nasabing industriya? Hindi ba malapit siya sa Partido Liberal? Kung alegasyon ng korupsiyon ang pag-uusapan at ang mga umano’y sangkot dito ay malaya at hindi nakakulong, ano na ang nangyari sa mga may utak sa PDAF o Priority Development Assistance Fund na minaniobra ni dating Budget Secretary Abad upang kumuha ng pondo sa maling pamamaraan? Ang bilyong piso nalustay sa Dengvaxia ng DOH? Anyare?

At kung pang-aapi sa media naman ang pag-uusapan, ano na ang nangyari sa Maguindanao Massacre na pinamunuan ng pamilya Ampatuan? Nakita ba natin ang hustisya sa mga kasamahan natin sa media noong panahon ng nakaraang administras­yon?

Inungkat ko lamang ito dahil parang ‘exaggerated’ ang mga paratang ni Sen. Hontiveors laban sa ating Pangulo. Nais ko lamang maging patas. Inuulit ko palagi sa aking kolum na hindi ko ibinoto si Duterte noong nakaraang eleksiyon. May duda ako dati sa kanya kung kaya niyang hawakan ang posisyon bilang pangulo ng ating bansa. Hindi siya perpekto. Subalit nakikita ang kanyang sinseridad na ayusin ang ating bayan.

Malinaw ang mensahe sa kanyang ‘landslide victory’ noong nakaraang halalan. ‘Yun ang hatol ng bayan. Nag­hahanap tayo ng lider na may kamay na bakal. Bagama’t maraming puna sa kanyang pagi­ging brusko at pagmumura at bukas na pagbatikos sa Simbahang Katolika, mataas pa rin ang satisfaction rating ni Duterte sa mga Filipino. Kaya ang tanong ko, naniniwala ba ang karamihan ng mga Filipino sa paratang ni Sen. Hontiveros na si Duterte ay banta sa ating human rights?