PARUSA SA MAGKAKABIT NG CAMPAIGN MATERIALS SA MGA POSTE

MAHAHARAP sa mabigat na parusa ang sinumang mapatutunayang sangkot sa pagpapaskil o pagkakabit ng mga “advertisements, posters at iba pang campaign materials” sa mga poste at kable na pagmamay-ari ng mga public utilities.

Tinukoy sa House Bill 8481 na inihain ni Deputy Speaker Evelina Escudero na patuloy pa rin ang pagkakabit ng mga materyales para sa kampanya ng mga kandidato partikular sa mga poste at kable ng kor­yente, internet at cable, telephone services at kahalintulad.

Ito ay kahit pa may regulasyon ang Commission on Elections (Comelec) para sa poster areas na maaaring paglagyan ng campaign materials, alinsunod sa Omnibus Election Code at Republic Act 9006 o Fair Election Act.

Sa ilalim ng isinusulong na panukala, ang sinumang lalabag ay papatawan ng 1 hanggang 2 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P100,000.

Kung kandidato o election o incumbent government official ang lumabag, papatawan siya ng “perpetual absolute disqualification” na humawak o maupo sa anumang posisyon sa gob­yerno.

Iginiit sa panukala na ang integridad ng public utility infrastructures ay isyu ng “public inte­rest” at “environmental at safety grounds” na hindi dapat binabalewala, at sa halip ay pangalagaan upang matiyak ang maayos na serbisyo sa mga tao.

Ang nasabing panukala ay kasalukuyang nakabinbin ngayon sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms. CONDE BATAC