PARUSA SA MGA KOLORUM NA SASAKYAN, PINAREREBISA NG LCSP

Ariel Inton

UMAPELA ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pamahalaan na irebisa ang mga polisiya kaugnay ng malupit at hindi patas na ipinapataw na kaparusahan  laban sa mga kolorum.

Ayon kay LCSP president Atty. Ariel Inton, napapanahon nang tignan at baguhin ang mga umiiral ng alituntunin sa kaparusahang dapat ipataw sa mga kolorum na drayber  at may mga prangkisa na nakakasuhan dahil sa pangongolorum.

Giit nito  ay dapat ayusin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DoTR) kung angkop pa ang kanilang mga policy at penalty sa mga kolorum dahilan sa hindi patas ang trato ng polisiya sa mga drayber na may prangkisa na nagkolorum at mga drayber na walang franchise  kung saan mas naging talamak pa ngayong may pandemya.

Binigyang diin ni Inton na may problema sa Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01 mula sa DoTR dahil hindi patas at malupit ang mga ipinapataw na kaparusahan sa mga may sariling prangkisa kumpara sa mga walang prangkisa o literal na kolorum.

Inihalimbawa nito ang isang operator na may 10 jeep na pawang may mga prangkisa na sa oras na mangolorum ang isa ay madadamay sa parusa ang siyam na sasakyan kung saan maaaring ma-revoke o bawiin ang buong Certificate of Public Convenience o prangkisa nito.

Subalit pagdating sa isa namang operator na may 10 jeep na walang prangkisa o literal na kolorum, sa oras na mahuli ang isa rito ay hindi nadadamay ang iba pa nitong sasakyan kung kayat nakikita ni Inton na malupit at hindi pantay ang nasabing polisiya.

Ginawa ang pahayag kasunod ng sunod sunod na pagdulog ng ibat-ibang transport organizations sa tanggapan ng LCSP na nagrereklamo at ipinaaalam ang mga nagaganap na ilegal na pamamasada ng mga pasaway na drayber  gayundin ang hindi patas na panuntunan ng ahensiya. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.