ASAHAN ang mas murang pasahe sa eroplano sa ‘ber months’ sa pagbaba ng fuel surcharges, gayundin ng jet fuel prices, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Sinabi ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla na nakita ng board ang trend na pababa sa presyo ng langis sa nakalipas na dalawang buwan.
“Baka magbaba tayo ng isang grade or level,” wika ni Arcilla sa sidelines ng freighter launch ng Cebu Pacific sa Pasay City.
Aniya, noong Hulyo hanggang Agosto, ang fuel surcharges ay nasa ilalim ng Level 3 ng CAB matrix.
Sa matrix ng CAB, ang mga pasahero sa domestic flights ay sisingilin ng P74 hanggang P291 gamit ang Level 3 surcharges—depende sa layo at presyo ng jet fuel na mula P27 hanggang P30 per liter.
Ang Level 3 surcharges sa international flights ay nasa P381 hanggang P3,632 depende sa destinasyon.
Samantala, ang Level 2 fuel surcharges ay naglalaro sa P45 hanggang P171, depende sa layo para sa domestic routes. Bababa ang fuel surcharges sa Level 2 kapag ang presyo ng jet fuel ay nasa P24 hanggang P30 per liter.
Para sa international flights, ang mga pasahero ay sinisingil ng P218 hanggang P2,076 depende sa destinasyon.
“If the two-month average price per liter of jet fuel falls below P21, no fuel surcharge will be imposed,” paliwanag ng CAB.
Nakatakdang ianunsiyo ng board ang September-October fuel surcharge ngayong araw Agosto 15, base sa pagsusuri na kanilang isinagawa isang beses tuwing ika-2 buwan.
Comments are closed.