PASAHERO NG BARKO NA-HEAT STROKE PATAY

QUEZON- PATAY ang isang lalaki nang ma-heat stroke sa loob ng barkong Starhorse mula sa Lucena City Phil.Port Area patungo ng Cambiyang Sibuyan, Romblon.

Nakilala ang pasahero na si Rodolfo Rago y Roleda, 59-anyos ng Brgy Baclaran,Cabuyao, Laguna at tubong Cambiyang, Sibuyan ,Romblon.

Humihingi ng tulong ang mag-ina ng biktima sa mga crew ng barko upang mabigyan ng first aid subalit bigong mabigyan ito.

Dahil dito, nagpasiya ang kapitan ng barko na bumalik na lamang sa Lucena Port Area upang madala umano sa ospital ang pasaherong inatake subalit idineklara ng doktor sa Quezon Medical Center sa Lucena City na dead on arrival na si Rago.

Apela ng kaanak ng biktima, kung bakit walang paramedic crew ang barko na kasama sa paglalayag gayong 9 oras umano ang biyahe nito sa karagatan.

Pinuntahan ng Pilipino Mirror ang Phil. Coast Guard Commander na si Lt. Anatacio Lucky Barba upang makuha ang panig at pahayag nito hinggil sa pangyayari.

Sinabi nito, agad aaksiyunan kung saan kakausapin at makikipagpulong ito sa MARINA, PPA at sa kumpanya ng Starhorse Shipping Lines kung bakit walang paramedics ang naturang barko habang naglalayag.

Ayon Starhores Shipping Lines na walang specific na kailangang ilagay na gamit pang first aid ang MARINA at itinangging wala silang kasama na paramedics crew na taliwas naman sa sinasabi ng pamilya ng namatay.

Nangako naman ang PCG na hindi na mauulit ang ganitong insidente sa barko at sisiguraduhin na kumpleto sa first aid at may paramedics crew ang isang barko bago payagang makapaglayag.
BONG RIVERA