HINIMOK ngayon ng PASAHERO Party-list ang transport authorities na palawigin nang hanggang anim na buwan ang validity ng mga magpapasong driver’s license at vehicle registration ng mga driver at operator ng public utility tricycles at jeepney.
Bilang kinatawan ng Filipino commuters and passengers, isang liham ang personal na iniabot ng partido sa DOTr at sa Land Transportation Office (LTO) upang pormal na ipabatid sa mga opisyal dito ang ang kahilingan at hinaing ng mga miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) at ng jeepney drivers mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Magkasamang nagtungo sa tanggapan ni DOTr Assistant Secretary at LTO chief Edgar Galvante ang PASAHERO Party-list founders na sina Allan Yap at Robert Nazal. Dito ay personal nilang ipinabatid ang hinaing ng tricycle drivers and operators na nagmula sa tinatawag na “tatlong gulong” sector.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Yap na sa kasalukuyang patung-patong na hirap ang dinaranas ng tricycle drivers dahil sa pandemya.
Aniya, sa halos dalawang taong lockdown at ang pagpapatupad ng limited seating capacity ang naging dahilan upang maapektuhan nang husto ang kabuhayan ng tricycle drivers na nabibilang sa marginal income earners.
“Walang kaduda-duda, silang mga tricycle drivers talaga ang pinaka-hinagupit ng pandemyang ito. Patung-patong na hirap. Humina ang kanilang pasada, tumaas ang presyo ng langis pero wala silang natanggap na ayuda mula sa national government at sa kabila nito, hindi naman tumaas ang kanilang singil sa pamasahe,” ayon kay Yap.
Binigyang-diin ni Yap na kung mapagbibigyan, “siguradong malaking tulong sa estadong pinansyal ng ating kaawa-awang tricycle at jeepney drivers sakaling mapagbigyan ang kahilingan nilang anim na buwang pagpapalawig sa bisa ng kanilang lisensya at vehicle registration.”
Sa kasalukuyan, isang taon lamang ang validity ng motor registration, habang tumatagal naman nang mula lima hanggang 10 taon ang bisa ng mga lisensya ng mga drivers na walang naitatalang violation, base sa iniaatas ng Republic Act 10930.
Ani Yap, sa napakaraming buwang konsultasyon nila sa mga TODA organizations at sa jeepney drivers, isa ang six-month validity extension ng driver’s license at rehistro sa mga ipinakiusap ng mga ito na sana’y maiparating sa gobyerno.
Kasama rin sa panawagan ng grupo, ayon kay Yap, ang pag-update sa license testing ng mga tricycle driver at pagrepaso sa special fee o rate para sa mga driver ng public three-wheeled vehicles.
Sinabi ni Yap na sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kapag mag-a-apply ng driver’s licenses ang mga tricycle driver, sila ay kinakailangang gumamit ng four-wheeled vehicles imbes na three-wheeled.
“Hindi lang mismatch sa gagamitin nilang sasakyan sa trabaho yung patakarang ‘yan. Lalo lang silang pinahirapan dahil posibleng wala naman silang magagamit na four-wheeled vehicles,” saad pa ni Yap.
Liban dito, kahit three-wheeled vehicles ang gamit ng tricycle drivers, ang ipinapataw aniyang fees sa kanila ay tulad din ng fees na ipinapataw sa mga four-wheeled vehicles.
“Alam naman siguro natin na lahat tayo ay talagang naapektuhan nang husto ng pandemya. At higit na naapektuhan ang ating tricycle at jeepney drivers. At anumang batas na magreresolba sa mga problemang kinakaharap nila ngayon sa kanilang hanapbuhay, tiyak na makakatulong ng malaki sa kanilang sektor, “pagdidiin ni Nazal.
Kamakailan, nakuha ng PASAHERO PARTY-LIST ang pag-endorso ng NCR TODA Coalition, ang umbrella organization ng iba’t ibang TODA federations sa Metro Manila.
Ang NCR TODA Coalition ay may tinatayang 150,000 miyembro mula sa iba’t ibang lokalidad sa Kamaynilaan.
Liban sa pag-endorso sa kandidatura ng PASAHERO Party-list sa Kongreso, pormal na rin silang nakipag-alyansa rito upang mas mapalakas ang laban ng partido sa darating na halalan sa Mayo 9 ngayong taon.