PASAY-LGU NAMAHAGI NG 100 VACCINES SA SENADO

SINUPORTAHAN ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang booster vaccination campaign ng mga empleyado ng Senate of the Philippines sa pamamagitan ng pamamahagi ng 100 Pfizer vaccines.

Ito ang inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng booster shot program ng Senado na may temang: “Sa Booster Kaisa ang Senado, Para Empleyado Todo Protektado”.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang booster shot program ng Senado ay bilang suporta sa programang “PinasLakas” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang layunin ay mas palawakin pa ang pagtuturok ng booster shots sa lahat ng mga Pilipino laban sa COVID-19.

Sinabi naman ni Pasay City Health Office (CHO) head Dr. Malou San Juan na ang 10 sa mga empleyado ng Senado ang agad na nakatanggap ng kanilang booster shot sa isinagawang kick-off event.
Dagdag pa ni San Juan na mahigit 400 empleyado ng Senado ang nakaiskedyul na tumanggap ng kanilang mga booster shots.

Dumalo sa paglulunsad ng nabanggit na programa ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Department of Health (DOH) Officer-in-Charge OIC Dr. Maria Rosario Clarissa Singh-Vergeire at National Task Force Chief Implementer Sec. Carlito Galvez. MARIVIC FERNANDEZ