Giant Parol – ang puso ng Liwanag Park
MULING binuksan sa publiko, makalipas ang tatlong taon, ang Meralco Liwanag Park sa Meralco Compound, Ortigas, Pasig City para makapagbigay ng liwanag, pag-asa at katatagan na siyang diwa ng Pasko.
Sa taong ito, mas maningning, mas masaya at mas makulay ang pamaskong handog sa ating mga kababayan ng Meralco Liwanag Park na ang tema sa taong ito ay Pasko City – simbolo ng pag-asa at katatagan.
Sentro sa Liwanag Park ang pamosong 60-feet Parol na nasa gitna ang logo ng Meralco bilang puso ng naturang atraksyon.
Mayroon ding malaking Belen na tradisyon na nating nakikita tuwing kapaskuhan na sumi simbolo ng pagkakaisa, saya at pagmamahalan na nagbubuklod sa bawat isa bilang isang malaking pamilya.
Nakapagbibigay din ng kakaibang saya habang naglalakad sa makulay na Tunnel of Lights na nagsisilbing tanglaw sa daan na ating katatagan at naroon din ang makasaysayang Meralco Tranvia Train na siyang nagdadala sa atin bilang isang komunidad tungo sa minimithing tagumpay.
Gawa sa mga solar panel at interactive display ang Christmas Tree na na nagpapakita ng pag-asa para sa isang sustainable future, makatitipid sa konsumo ng kuryente at may malaking benepisyo sa kalikasan.
Nakatutuwa namang isipin na recycled materials ang ginamit sa Liwanag Park – ‘yung lumang meter cover, ginawang Christmas balls at mga lumang copper wire naman ang ginamit sa higanteng Belen, Simbahan at Christmas Tree.
Isa pa sa nakamamangha ay ang paggamit nila ng LED lights dahil sa maraming benepisyo nito – energy efficient, hindi nakasisira sa kalikasan, mas matibay, hindi nakapagdudulot ng UV emission at subok na sa anumang klima at panahon.
Matapos naman ma-enjoy ang maganda at makulay na pailaw sa Liwanag Park, mayroon ding “budol finds” ang night market na swak pang outfit check at OOTD. Siyempre pa, hindi mawawala ang food trip.
May bayad po ba sa Liwanag Park? Wala. As in libre at bukas ito sa publiko na nagsimula noong November 26, 2023 hanggang January 6, 2024, ang Tranvia railway naman ay open tuwing 7pm hanggang 9pm.
-CRIS GALIT