PASKO MAGIGING MAULAN

MAAARING makaranas ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao sa Disyembre 25 dahil sa pinagsamang epekto ng shear line at northeast monsoon (hanging amihan).

Ibinahagi ng  PAGASA ang taya ng panahon noong Sabado habang ang bansa ay papalapit sa taong 2024.

“Ang epekto ng shear line ay inaasahang unti-unting tumindi  sa mismong Araw ng Pasko at sa Martes, Disyembre 26, na magpapaulan sa silangang bahagi ng Quezon, Bicol Region, kasama ang silangang bahagi ng Visayas, at maging sa rehiyon ng CARAGA,” ani DOST-PAGASA weather specialist Benison Estareja.

Sa Metro Manila, mananatili ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin sa susunod na tatlong araw. Maaasahan ang mahihinang pag-ulan dahil sa monsoon sa hilagang-silangan.

Sa susunod na tatlong araw, posibleng manatiling makulimlim sa Cordillera Administrative Region, kabilang ang Baguio City, dahil sa epekto ng amihan.

Asahan din ang paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa paligid ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao. Magkakaroon din ng kalat-kalat at mahinang pag-ulan sa paligid ng Abra at Benguet.

Sa Legazpi City, ang paglakas ng northeast monsoon ay bahagyang magpapababa ng temperatura sa parehong Araw ng Pasko at Martes. May posibilidad din ng kalat-kalat at mahinang pag-ulan sa panahong ito.

Ang shear line ay posibleng bumalik sa Disyembre 27 at maaaring magdulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng Bicol, ayon sa PAGASA.

PAULA ANTOLIN