LABIS ang panlulumo ngayon ang nadarama ng mga magulang ng isang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos mabangga at magulungan ng sasakyan habang tumatawid sa kalsada sa Tondo, Maynila nitong Miyerkules.
Isinugod pa sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Khurt Jan Pareja Castillo , residente sa 1084 Solis St.,Tondo Maynila at sinubukang i-revive ng mga doktor ngunit binawian din ng buhay makalipas ng ilang oras.
Sa ulat mula sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) – Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng isang itim na van na may plakang PLI 520 at minamaneho ni Leonard Baldesimo ang kahabaan ng westward ng Solis St nang pagsapit sa kanto ng Bugallion Street ay biglang tumawid ang bata dahilan para mabangga at magulungan ng van.
Ayon sa driver ng van, hindi niya napansin ang bata habang patawid sa kabilang kalsada.
Naharang naman ng mga tao sa barangay ang van at isinuko naman ng driver ang kanyang lisensya na tila nabigla din sa pangyayari.
Ang paghihinagpis ng magulang ng biktima ay punong-puno ng panghihinayang lalo pa’t papasok na sana ang kanilang anak sa nursery sa susunod na buwan.
Nakikipag-areglo umano ang kumpanyang pinapasukan ng driver sa magulang ng biktima ngunit duda sila sa kondisyon na gustong mangyari ng kompanya.
Dahil dito, pursigido ang pamilya ng biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa driver ng van.
PAUL ROLDAN