PASLIT NAKIPAGTALO SA KAPATID NAGBIGTI

bigti

ILOCOS SUR- HINDI na nailigtas sa tiyak na kamatayan ang isang walong taong gulang na bata matapos magbigti sa bayan ng Narvacan sa lalawigang ito

Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima ay isang lalaki, grade 2 nakatira sa Narvacan, Ilocos Sur.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at kapatid nitong 9-anyos na babae dahil sa pagkaing sitstirya nitong Miyerkules.

Dahil sa sama ng loob ay agad na umalis ang biktima at nagpunta sa gawing likuran ng kanilang bahay.

Makaraan ang halos isang oras na hindi pa bumabalik ang biktima kaya hinanap ito ng kanyang nanay.

Nagulat na lang ang ina ng biktima nang madiskubre ang anak na wala nang malay at nakabitin sa loob ng kanilang comfort room.

Mabilis na ibinaba ang anak at agad na dinala sa Ilocos Sur District Hospital.

Subalit, pagdating sa nasabing pagamutan ay idineklara itong dead on arrival ng attending physician. EVELYN GARCIA