‘PASSPORT ON WHEELS’ SA PBA

on the spot- pilipino mirror

NAGING matagumpay ang proyekto ni PBA Commissioner Willie Marcial na dalhin ang ‘Passport on Wheels’ program ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa tanggapan mismo ng PBA sa E. Rodriguez Jr. Ave. sa Quezon City. Dapat sana ay noong Mayo pa ito isasagawa pero dahil maraming gustong humabol sa pagkuha ng passport ay nagpa-extend si Kume.

Kahapon ay bumisita ang ‘Passport on Wheels’ sa PBA kung saan umabot umano sa 700 ang mga nag-apply ng passport na dapat sana ay 500 lang. Hindi lamang mga fans ang nagsipagkuha ng passport, kundi maging PBA players, coaches at PBA staff.

Maganda itong ginagawa ni Kume Marcial, pang-masa ang dating niya. Katunayan, siya lamang ang commissioner na pumupunta sa iba’t ibang lugar upang sorpresahin ang mga nagba-basketball sa kalsada, kasama ang ilang sikat na PBA players. Kaya kapag nakita ng mga tao ang mga basket-bolista ay nama­mangha sila at hindi makapaniwala na nasa harap nila ang players na napapanood nila sa TV.

Sabi ng PBA fans, iba si Kume Marcial, pang-masa. Malambot ang puso nito sa fans. Yaong mga regular na nanonood sa PBA ay binibigyan niya ng pang-swimming kaya naman tuwang-tuwa  ang mga ito at love na love nila si Mr. Wille Marcial. Hindi raw sila nagkalalayo ng ugali ng namatay na dating commissioner na si Jun Bernardino.

Pagkatapos ng ‘Passport on Wheels’, ang susunod na proyekto ni Kume ay ang blood donation na gagawin sa Araneta Coliseum. Last year ay nagawa na nila ito at uulitin ngayong taon.

Puwedeng mag-donate ng dugo ang fans na magsisipanood sa Big Dome sa July 7.

Kay Kume Marcial, saludo po kami sa inyo, sana ay ipagpagtuloy ninyo ang  ginagawa ninyo.



Hindi kaya dapat ay paglaruin na ng Alaska management si Calvin Abueva? Sa totoo lang ay iba ang laro ng team kapag nasa gitna ng court si Abueva. Kamakalawa ng gabi ay halatang pagod na pagod ang mga manlalaro ng Aces, saka kulang na kulang sa diskarte. Iba rin kasi ang veteran move.

Comments are closed.