PATAKARAN PARA SA SAHOD SA DISYEMBRE 26 INILABAS NG DOLE

INILABAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023 na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa ika-26 ng Disyembre.

Nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong ika-14 ng Disyembre, alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa ika-26 ng Disyembre bilang special (non-working) day sa buong bansa, ang labor advisory.

Nakasaad sa labor advisory na ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makatatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw. Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa naturang araw. Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE hotline 1349.

Maaari rin silang tumawag o magtext sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Maaari ring magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] (mailto:[email protected]) o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.

LIZA SORIANO