NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na sundin ang tamang sahod para sa kanilang mga manggagawa na papasok sa trabaho sa mga idineklarang holiday ngayong Oktubre at sa Nobyembre.
Sa nilagdaang Labor Advisory No. 24, series of 2023 ni Sec. Bienvenido E. Laguesma noong ika-12 ng Oktubre, nakasaad ang tamang sahod para sa mga idineklarang espesyal (non-working) na araw sa ika-30 ng Oktubre, ika-1 at ika-2 ng Nobyembre, pati na rin sa nalalapit na regular holiday sa ika-27 ng Nobyembre.
Sa Proclamation No. 359, series of 2023, idineklara ang Oktubre 30 bilang special (non-working) day alinsunod sa eleksiyon ng barangay at Sangguniang Kabataan ngayong taon. Samantala, idineklara naman sa ilalim ng Proclamation No. 42, Series of 2022, na inamyendahan ng Proclamation No. 90, Series of 2023, ang holiday para sa Nobyembre 2023.
Batay sa advisory, ang sahod ng mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day sa ika-30 ng Oktubre, ika-1 at ika-2 ng Nobyembre ay kukuwentahin ayon sa sumusunod:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ipatutupad ang “no work, no pay”, maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Para sa trabahong ginampanan sa nasabing araw, siya ay tatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras na kanyang trinabaho (arawang sahod x 130%).
Para sa trabahong ginampanan na higit sa walong oras (overtime work), babayaran ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang sahod sa nasabing araw (orasang kita ng arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na nag-overtime).
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa special holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, babayaran ang empleyado ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod para sa walong oras na kanyang trinabaho (arawang sahod x 150%).
Para sa overtime work sa nasabing special day at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw (orasang kita ng arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)
Nakasaad din sa advisory ang tamang pagtutuos ng sahod para sa mga empleyadong magtatrabaho sa ika-27 ng Nobyembre, isang regular holiday.
Tatanggap ang empleyadong hindi pumasok sa trabaho ng 100 porsiyento ng kanyang arawang sahod, ngunit kinakailangan na siya ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday (arawang sahod x 100%).
Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.
Para sa trabahong ginampanan sa regular holiday, babayaran ang empleyado ng 200 porsiyento ng kanyang sahod para sa unang walong oras (arawang sahod x 200%).
Para sa trabaho na higit sa walong oras (overtime), babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang sahod (orasang sahod ng arawang kita x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing regular holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang kita na 200 porsiyento (arawang kita x 200% x 130%).
Para sa overtime work sa nasabing regular holiday at araw rin ng kanyang pahinga, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw (orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).
Bukod dito, ang sahod sa trabahong ginampanan sa ika-30 ng Nobyembre ay batay sa ordinaryong arawang kita.
Para sa papasok sa trabaho, tatanggap sila ng 100% ng kanilang arawang sahod para sa nasabing araw para sa unang walong oras (arawang sahod x 100%). Ang empleyado na magtatrabaho ng overtime ay babayaran ng karagdagang 25 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw (orasang kita ng arawang sahod x 125% x bilang ng oras na trinabaho).
LIZA SORIANO