INAPRUBAHAN ng en banc ng Commission on Elections (Comelec) ang hakbang na nagrerepaso sa mga patakaran hinggil sa in-person campaign ng mga kandidato sa May 9 national at local elections.
Partikular na nais maamyendahan ay ang mga probisyon ng Comelec Resolution 10732 na naglalahad ng mga panuntunan ng pangangampanya na may pag-iingat sa hawahan ng COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Comelec Director Elaiza David na nagsabing may inaasahang mababago sa mga patakaran ng pangangampanya, depende sa mapagkakasunduan ng buong komisyon.
Sinabi ni David na si ad interim Commissioner George Garcia ang nagpanukala sa en banc na pag-aralang baguhin ang campaign rules makaraang maibaba na ang COVID-19 Alert Level 1.
Ang Comelec Resolution 10732 ay napagtibay aniya ng mga Commissioner sa panahon na mataas pa ang restrictions dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.
Ipinahayag ni David na maaaring ibatay na rin sa kasalukuyang Alert Level ang paiiraling mga pag-iingat sa pangangampanya.
Kabilang sa mga pagbabawal na inalmahan na rin ng ibang kandidato ay ang paghalik, pagyakap ng mga kandidato, pagpasok sa mga bahay, pakikipag-selfie o groufie sa kandidato at limitadong kapasidad ng mga makadadalo sa campaign sorties. JEFF GALLOS