MALINAW na determinado si Pangulong Duterte sa pagpuksa ng korupsiyon sa bansa nang pagdesisyunan niyang tanggalin sa trabaho ang 64 matataas na opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BOC) matapos silang masangkot sa malalang katiwalian sa ahensiya.
Umaasa ang Presidente na mababawasan ang korupsiyon sa ahensiya ngayong natanggal na sa panunungkulan ang mga opisyal nito.
Bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, malamang ay maraming hawak na mga impormasyon ang Pangulo na mula sa ‘tipsters’ at mga ‘intel’ nito.
Kamakailan lamang ay ipinahinto ng Pangulo ang operasyon ng PCSO matapos niyang malaman ang tungkol sa korupsiyon na nangyayari sa ahensiya.
Ako’y lubos na umaasa na sana’y walang katotohanan ang mga bintang sa ilang mga kompanya lalo na yaong mga nasa industriya ng konstruksiyon. Bali-balita kasi ay hindi idinedeklara ng mga kompanya ang tunay na halaga ng kanilang mga produkto na inaangkat mula sa ibang bansa na nagreresulta sa hindi tama at mas mababang halaga ng buwis na nasisingil ng gobyerno mula sa mga ito.
Nakapanlulumo na nakalulusot ang mga anomalyang ito sa pag-aangkat ng produkto. Bukod sa hindi tamang halaga ng nakokolektang buwis mula sa mga kompanyang gumagawa nito, ‘di hamak na mayroon pang mas masamang epekto ang ganitong gawain. Halimbawa na lang ang produktong bakal at iba pang mga materyales na ginagamit sa konstruksiyon, ang pandaraya sa kalidad ng produkto nito ay nangangahulugan na substandard ang mga ito at hindi angkop sa klase ng gusali na pinaggagamitan nito bilang pundasyon. Paano na lang tayo kapag tumama na ang ‘The Big One’?
Lahat ng nag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa ay kinakailangang magsumite ng deklarasyon nito sa Customs kapag dumaan sila sa BOC para sa pagkuha ng clearance. Dito idinedeklara ng broker ang halaga ng inangkat na mga produkto upang malaman kung magkano ang kabuuang halaga ng buwis na kailangang bayaran ng nag-angkat na kompanya. Sa bahaging ito rin ng proseso nagkakaroon ng anomalya kapag hindi idineklara ang tamang halaga ng produkto.
Ang buwis na kinokolekta sa ating lahat ay mahalaga sa pag-usad ng mga programa ng pamahalaan gaya na lamang ng programang ‘Build Build Build’. Bilang suporta sa adhikain ng administrasyong Duterte, kinakailangang maging mas mapanuri at mas mahigpit ang Customs sa pagsusuri ng mga produktong iniaangkat mula sa ibang bansa.
Tayo ay masuwerteng magkaroon ng pangulong determinado at may matapang na kalooban sa pagpuksa ng korupsiyon sa bansa gaya kung paano niya patuloy na nilalabanan ang droga. Sinisibak niya sa panunungkulan ang mga opisyal, gaano man kataas ang puwesto ng mga ito, kung mapatunayan niyang sangkot ito sa korupsiyon. Hindi rin kataka-takang sa kalagitnaan ng kanyang termino ay napananatili niya ang kanyang mataas na performance at trust rating mula sa publiko.
Bukod sa BOC, kailangan ding bigyang pansin ng administrasyon ang hinihinalang sabwatan sa pagitan ng ilang ahensiya ng gobyerno at ng ilang mga kompanyang gumagawa ng bakal. Sa sabwatang ito ay sinasabing inaaprubahan ng ilang regulatory agency ang mga Grade 40 na bakal bilang Grade 60 na kalidad ng bakal. Bilang resulta, nagagamit ang mga Grade 40 na bakal bilang pundasyon ng matataas na gusali na hindi akma sa kalidad nito. Ang Grade 40 na mga bakal ay akma lamang sa mga gusaling katamtaman lamang ang taas.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ang sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa pagsusuri ng kalidad ng bakal at pag-aapruba nito habang ang Bureau of Products Standards (BPS) sa ilalim ng pamamahala ng DTI, ang inatasan sa pag-iisyu ng standard certification para sa mga produktong bakal.
Ayon sa mga eksperto, dahil ang mga Grade 40 na bakal ay hindi akmang gamitin bilang pundasyon sa paggawa ng matataas na gusali, hindi nito kakayanin ang epekto ng malakas na lindol gaya ng tinatayang lakas ng ‘The Big One’ na maaaring tumama sa ating bansa anumang oras.
Bilang isang taong nakatira sa isang condominium, ako tuloy ay napapaisip ukol sa kalidad ng bakal na ginamit bilang pundasyon sa aking gusaling tinitirhan. Lagi ko itong naiisip dahil sa lakas ng mga paglindol na nangyari ngayong taon, partikular na ang tumama sa Batanes nitong nakaraan, at sa Porac, Pampanga noong Abril.
Ayon sa resulta ng mga imbestigasyon, ang pagguho ng ilang mga gusali sa mga lugar na tinamaan ng lindol ay resulta ng mahinang pundasyon ng mga ito, partikular na ang gumuhong Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga na naging sanhi ng pagkamatay ng 18 katao at pagtatamo ng pinsala ng 200 iba pa.
Ang isang bagay na nakapagpapabagabag sa akin sa nangyaring pagguho ng Chuzon supermarket ay ang kawalan ng resulta ng imbestigasyon dito at ang kakulangan ng kongkretong solusyon bilang paghahanda sa pagdating ng mas malalakas pang lindol ng gobyerno sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari kaugnay ng paglindol.
Kung talagang nais ng gobyerno na puksain ang korupisyon sa bansa, kailangang matutukan at imbestigahan ang mga alegasyon ukol sa patuloy na pagbebenta ng mga mababang kalidad ng materyales na ginagamit sa konstruksiyon gaya ng bakal.
Ako’y napahanga kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza sa pagkakaroon ng lakas ng loob na alamin at imbestigahan ang naging resulta ng pagsusuri ng mga eksperto sa substandard na mga bakal na ginagamit bilang pundasyon ng ilang matataas na gusali sa bansa.
Nababahala si Atienza sa kakulangan ng sapat na pagsusuri sa kalidad ng mga produktong bakal na ginagamit sa mga konstruksiyon.
Ako’y umaayon kay Atienza. Hindi na dapat hintayin ng gobyerno ang pagdating ng ‘The Big One’ bago ito umaksiyon sa naturang isyu.
Ang mga kompanya ng insurance sa bansa ay nagbigay na ng pahayag na hindi nila sasagutin ang mga pinsala kapag napatunayan na ang dahilan ng pagguho ng isang gusali ay ang paggamit ng mababang kalidad ng materyales sa konstruksiyon nito.
Ako’y naniniwala na napapanahon na upang umaksiyon ang gobyerno sa pagkakaroon ng mga kongkretong hakbang at programa upang maihanda ang bansa sa pagtama ng mga malalakas na lindol gaya ng ‘The Big One’.
Comments are closed.