Patuloy na pagpapabuti ng mga benepisyo: Sagot ng PhilHealth sa Severe Dengue, P47,000 na!

Noong 2022, P98 milyon ang ibinayad ng PhilHealth para sa higit 6,300 claims ng severe dengue. Patunay na ang naturang sakit ay isa sa mga nagpapahirap sa ating mga kababayan. Dahil sa gastusin para sa pagpapagamot, minarapat ng PhilHealth na taasan ang coverage nito para sa severe dengue sa dating P16,000.

Simula November 1, 2024, lahat ng ma-a-admit dahil sa severe dengue ay makagagamit ng benefit package na nagkakahalaga ng P47,000! Sakop nito ang bayad para sa room and board, mga gamot, professional fee ng mga duktor, at mga laboratory tests para matukoy na ang pas­yente ay apektado ng severe dengue. Ito ay magagamit sa PhilHealth-accredited public at private Levels 1 to 3 hospitals.

Ang pagpapalawig ng cove­rage para sa severe dengue ay bahagi pa rin ng kampanya ng PhilHealth na maibsan ang gastusin ng mga pasyente para sa pagpapagamot. Matatandaang itinaas din ng PhilHealth ang halaga ng benepisyo para sa acute stroke, pneumonia high-risk, neonatal sepsis, bronchial asthma, at marami pang iba nang higit doble para suportahan ang mga Pilipino sa kanilang gamutan. Bukod pa rito ang 30% adjustment sa All Case Rate packages para sa higit 9,000 medical conditions at surgical procedures na co­vered ng PhilHealth.

Paalala para sa mga pas­yente: Walang dagdag-bayad kung mako-confine sa basic o ward accommodation ng mga ospital. Ibig sabihin, sapat na ang bagong Case Rate na P47,000 para sa buong gamutan ng pasyente.

Magkakaroon na lang ng karagdagang bayarin kung pipiliin ng pasyenteng ma-confine sa private room na mayroong aircon at sariling banyo, gumamit ng mga serbisyong hindi kailangan sa paggamot ng severe dengue, o pagpili ng mga duktor na gagamot sa kaniya. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang ipaliwanag ng ospital ang anumang karagdagang bayarin sa pasyente bago pa siya ma-discharge.

Makaaasa ang lahat na hindi titigil ang PhilHealth sa pagpapaganda ng mga prog­rama, benepisyo, at serbisyo ng National Health Insurance Program. Ito ay hango na rin sa mandato ng Universal Health Care Act na pagbutihin pang lalo ang financial coverage sa mga Pilipino sa kanilang pagkakasakit.

ANUNSYO

Lahat ay makakagamit ng coverage para sa 156 session ng hemodialysis ang mga kababayan nating may Chronic Kidney Disease Stage 5 o CKD5 na aabot sa halos P1 milyon!

Sa bisa ng PhilHealth Circular No. 2024-0023, muling itinaas ng PhilHealth ang coverage sa hemodialysis simula October 9, 2024. Mula sa da­ting P4,000, ngayon ay P6,350 kada session na ang sagot ng PhilHealth! Matatandaang na­u­na nang pinalawig ang benepisyo noong July 1, 2024 sa P4,000 mula sa P2,600. Dahil dito, talaga namang damang-dama ng mga CKD5 patients ang Alagang PhilHealth!

BALITANG REHIYON

Sinuportahan ng Local Government Unit – Ramon Aboitiz Foundation, Inc. ang Konsulta Caravan ng PhilHealth Regional VII para sa ating mga Senior Citizens ng Minglanilla, Cebu.

Tinalakay dito ang iba’t-ibang benepisyo ng PhilHealth para sa health screening at assessment, laboratory at diagnostic tests, at gamot para sa mga piling kundisyon na maaaring magamit ng ating mga kababayan.