PATUNGO SA BAGONG NORMAL

Joes_take

MAY  magandang balitang ibinahagi ang mga eksperto sa mga epidemya na miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Sa wakas ay nagtagumpay na ang ating bansa sa sinasabing ‘flattening the curve’  matapos ang halos dalawang buwan na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ). Isa sa mga indikasyon ng nasabing kondisyon  ay ang mas pagbagal ng pagdoble ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 at ng bilang ng mga nasasawi dahil sa virus.

Bago ipinatupad ng pamahalaan ang lockdown sa bansa noong Marso, dumodoble ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob lamang ng dalawa’t kalahating araw. Sa kasalukuyan, ayon sa epidemiologist na si Dr. John Wong, bumaba na sa 4.6 na araw ang pagdoble ng kaso sa Luzon, hindi kasama ang Metro Manila. Sa Metro Manila naman ay 5.8 na araw.

Ang pagbaba ng bilang ng mga nasasawi dahil sa virus na COVID-19 ay kapansin-pansin din sa ating bansa. Mula sa apat na araw bago magdoble  ang bilang ng mga nasasawi dahil sa COVID-19, ito ay naging 5.7 na araw. Ang buong bansa maliban sa Metro Manila ay nagtala ng pitong araw para sa pagdoble ng bilang ng mga nasasawi.

Maganda ang progreso ng ating bansa patungkol sa laban sa pandemyang COVID-19. Tila magiging maganda rin ang ating transisyon mula sa enhanced community quarantine patungo sa general community quarantine (GCQ) sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo. Ngunit hindi rin tayo dapat makampante kapag tuluyan nang tinapos ang pagpapatupad ng ECQ kundi ay maaari tayong matulad sa Singapore, Japan, at Germany na nagkaroon ng tinatawag na ‘second wave’ o ang biglaang muling pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19.

Ako ay lubos na humahanga dahil nailabas ng karanasang ito ang kahusayan nating lahat mula sa mga ordinaryong mamamayan hanggang sa mga pinuno ng ating bansa. Ngayong nasa huling linggo na tayo ng ECQ, kailangang sundin nating  mabuti ang ating pamahalaan hindi lamang para sa ating mga sarili kundi para na rin sa mga frontliner na patuloy na nakikibaka sa COVID-19. Kasama rin rito ang pagtigil sa pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga pasilidad ng koryente  na maaaring maging sanhi ng pagkawala ng koryente  sa lugar.

Manatili tayo sa ating mga bahay at ugaliin ang social distancing. Gawin natin ang ating bahagi upang mapahinto ang pagkalat ng virus. Napakahalaga na hindi masayang ang lahat ng hakbang at aksiyon na ginawa natin at ng pamahalaan dahil lang sa mga simpleng kapabayaan.

Iminulat ng pandemyang ito ang aking mga mata upang makita ang mga bagay sa ibang pananaw, lalo na patungkol sa mga aspeto ng ating buhay na madalas nating maisawalang bahala. Bunsod ng pangyayaring ito ay nagiging mas maingat na ako sa aking mga pagkilos lalo na ngayong nasa huling linggo na tayo ng ECQ. Kung tayo ay mananatiling matatag sa huling linggong ito, malaki ang posibilidad na mabilis tayong makababalik sa ating normal na mga gawain.

Kailangan munang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan. Kalusugan ang pinakamahalaga ngayong panahong ito kung saan pinabababa natin ang bilang ng mga nadadagdag sa kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa at sa bilang ng mga nasawi kada araw. Nakapagbibigay rin ng pag-asa ang makamit ng Filipinas ang naitalang pinakamataas na bilang ng mga nakababawi sa nasabing virus. Bumababa rin ang bilang ng mga nadadagdag sa mga nasasawi sa virus. Bagama’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso sa bansa na ngayon ay nasa higit sampung libo na, ako ay umaasa at nagdarasal na ang takbo ng mga pangyayari ay tutungo sa pagtaas ng bilang ng mga nakababawi mula sa pagkakaroon ng COVID-19.

Habang ang prediksyon ng mga ekonomista ay babagal ang paglago ng ekonomiya ngayong taong 2020 dahil sa matinding epekto ng pandemya sa iba’t ibang industriya, napakahalagang masiguro na panatilihin itong tumatakbo upang hindi ito tuluyang bumagsak. Malaki ang bahaging gagampanan ng pribadong sektor sa pagbabalik-normal ng ekonomiya. Hindi tayo maaaring manatiling paralisado dahil sa ating takot. Kailangan nating umusad pasulong at bumalik sa ating normal na gawain at patakbuhin muli ang ating ekonomiya. Ito lamang ang tanging paraan upang tuluyang makabangon mula sa krisis na dala ng pandemyang ito.

Sa sektor ng mga utility, patuloy ang Meralco sa pagsiguro sa 24/7 na supply ng koryente para sa mga customer nito. Nagbibigay rin  ito ng impormasyon ukol sa account ng mga customer gaya ng halaga ng bill at konsumo sa digital na pamamaraan. Tayo ay patungo na sa digital na panahon kung saan ang mga transaksiyon ay digital na rin. Ang krisis na ating pinagdadaanan sa kasalukuyan ay nagmulat sa mata ng karamihan ukol sa kahalagahan at kaginhawaang hatid ng digital na mga transaksiyon. Ang mga business center ng Meralco ay nagsimula na ring bumalik sa operasyon noong ika-8 ng Mayo.

Isang ekonomikal na hakbang ang muling buhayin ang ating sistema at iangat  ang ekonomiya kasabay ng ating paglaban sa COVID-19 at sa matinding epekto ng lockdown. Ito ang ambag ng Meralco sa pag-uumpisa ng muling pagbangon, progreso, at pag-unlad ng ating bansa. Sa pakikipagtulungan sa ibang miyembro ng pribadong sektor at sa mga nasa publikong organisasyon, hinahanap ng Meralco ang tamang balanse at kompromiso upang magpatuloy sa operasyon habang nananatiling ligtas.

Tayong lahat ay may bahaging kailangang gampanan sa diwa ng bayanihan ngayong panahon ng pandemya. Inilalabas ng karanasang ito ang kahusayan ng bawat isa. Wala tayong magagawa kundi ang ilapat ang ating paraan ng pamumuhay sa sitwasyong mayroon tayo sa kasalukuyan dahil sa krisis na ito. Nagbabago na ang panahon pati na rin ang mga tao, at malaki ang posibilidad na ang pagbabagong ito ay makabubuti sa lahat.

Marami sa mga lumitaw na bayani ngayong panahon ng krisis ay nananatiling walang pangalan. Ito ay mga bayaning nagbigay ng tulong sa ating mga frontliner at sa iba pang mamamayan na nangangailangan. Nakagagalak na makita ang ilang mga mayayamang pamilya sa lungsod ng Pasig ang nakikinig sa panawagan ni Mayor Vico Sotto na ibigay na lamang ang ayudang nagkakahalagang P8,000 na mula sa lokal na pamahalaan ng Pasig sa mga pamilyang mas nangangailangan. Ang mga maliliit na bagay na ito ay maituturing na malaking tulong na upang hindi magutom ang mga pamilyang kapos sa kapalaran ngayong panahon ng pinalawig na ECQ.

Tayo ay papunta na sa bagong normal. Kakailanganin pa rin nating ugaliin at gawin ang physical distancing, paghuhugas ng kamay, palagiang paglilinis upang maiwasan ang muling pagkalat ng virus matapos luwagan ng pamahalaan ang ipinatutupad nitong mga panuntunan ukol sa COVID-19 na siyang magreresulta sa muling paglabas ng mga mamamayan sa kanilang mga bahay.

Ang krisis na dala ng COVID-19 ay mapagtatagumpayan lang nang tuluyan kung mayroon nang mabisang bakuna laban dito. Habang naghahanda ang ating pamahalaan upang mapangasiwaan ang pagbabalik sa normal matapos ang lockdown, kailangan pa ring sumunod sa pamahalaan dahil hangga’t walang bakuna ay nananatili ang panganib ng muling pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Comments are closed.