GOOD day, mga kapasada!
May tatlong mahahalagang payo ang Land Transportation Office (LTO) para sa kaligtasan ng mga motorista, maging sa pribadong sektor o sa panig ng pamahalaan.
Puna ng mga motoring expert, kailangan talaga ng milyon-milyong tao sa ngayon na magmaneho kahit peligroso.
Tinatayang nasa 1,200,000 katao sa buong mundo ang namamatay sa mga aksidente sa sasakyan!
Aba, sa ganitong kaganapan, lubhang ikinabahala ng mga expert sa road traffic ang ganitong estadestika, kabilang ang bansa natin sa buong daigdig.
Ito ang dahilan kaya naman mahalagangmatutunan natin kung papaano magmaneho nang maingat.
TATLONG KONSEPTO SA PAG-IINGAT SA PAGMAMANEHO
Sa pakikipanayam sa isang traffic expert mula sa LTO, may tatlong mahahalagang konsepto na dapat isaalang-alang ng isang drayber para malayo sa road accidents na ang end result ay hospital, sementeryo, kulungan sa kasong reckless imprudence at damage to property.
Kabilang sa mga konseptong ito ang tatlong K na pormula:
– Tiyaking nasa kondisyon ka.
– Tiyaking may kasanayan ka at
– Tiyaking nasa kondisyon ang sasakyan.
- TIYAKING NASA KONDISYON KA
Iniulat ng Australian Journal of Social Issues na ang isa sa pinakamahalagang hakbang na maaaring magawa ng isang drayber para maiwasan ang kasawian bunga ng aksidente ay ang pagtataglay sa sarili ng tamang disposisyon habang nagmamaneho.
Kaya bago lumarga sa paggulong sa mahabang lansangan, makabubuting tanungin ang sarili kung nasa kondisyon ba para sumuong sa pag-mamaneho lalo’t kung isasaalang-alang ang buhol ng tapik, ang lubak-lubak na lansangan at ang maalinsangang init ng araw.
Ayon sa LTO, ang pagmamaneho dito sa Filipinas ‘di tulad sa ibang bansa, ang galit, kabalisahan, at pagiging excited ay mga emosyong naka-pagdudulot ng masamang epekto sa pagmamaneho at puwedeng mauwi sa ‘di wastong pagpapasiya na kung minsan ay may kaakibat na karahasan.
Idinagdag ng LTO na dapat ding bigyang halaga ang pisikal na kondisyon ng isa dahil may ilang sakit o pinsala sa kalusugan na nakaaapekto sa pagmamaneho. Ang isang drayber na may paggalang sa buhay ng iba ay hindi dapat magmaneho ng nakainom ng anumang inumang nakalalasing o droga dahil ang pag-inom ay nagdudulot ng pagkabalisa at pagkaantok na nagsasapanganib sa buhay ng drayber at ng mga pedestrian.
Sa ganitong kondisyon na sumasapi sa katauhan ng isang drayber ay makabubuti, ayon sa LTO, na humanap ng isang ligtas na pook upang iparada ang sasakyan tulad ng gasoline station, parke na ligtas sa aksidente at magpahingang sumandali saka bumalik sa lansangan kung humulaw na ang nakalilitong kaisipan.
- TIYAKING MAY KASANAYAN KA
Plain and simple ang ikalawang pormula, ayon sa LTO. Habang dumarami ang mga sasakyan, partikular na sa papaunlad na mga bansa, kabilang na rito ang Filipinas ay dumarami rin ang mga baguhang drayber na walang gasinong pagsasanay o karanasan sa pagmamaneho.
Kaugnay nito, ipinayo ng LTO sa mga enterprising driver na kung maaari, makabubuting isaalang-alang ang dalawang bagay para makaiwas sa aksidente tulad ng:
- Maging Alerto: – Mag-ingat sa mga panganib na daratal habang nagmamaneho sa kalsada sa iyong harapan at likuran at maging alisto sa maaaring gawin ng ibang drayber – pati na ang posibleng maging mga pagkakamali nila.
Karamihan sa mga banggaan ay resulta ng pagtutok (tail gating) kaya ang isang matalinong drayber ay iwas-pusoy o nagbibigay ng sapat na distansiya sa kanyang sinusundang sasakyan.
- Mag-ingat sa mga blind spot at mga panggagambala – Iwasan at huwag umasa sa salamin lang. Lumingon para makita angnangyayari sa paligid mo.
Iwasan ang gumawa ng kung ano-ano habang nagmamaneho – nakagagambala ang pakikipag-usap sa telepono o ang paggamit ng ibang mga gadyet tulad ng CP at kauring bagay.
- Kung nagmomotorsiklo ka – Lumitaw sa estadistika ng ilang ahensiya sa transportasyon na kada kilometro, 37 ulit na mas malamang na mamatay sa aksidente ang mga nagmomotorsiklo kaysa mga nakasakay sa tradisyunal na sasakyan tulad ng kotse at mga kauring sasakyan.
Papaano ka mag-iingat? May dalawang hakbang na nabanggit na makatutulong din sa mga nagmomotorsklo. Ang payo ay siya ring himaton ng Motorcycle Safe Foundation ng United States tulad ng tiyakin na :
- nakikita ka – tiyaking lagi kang nakikita ng ibang motorist. Dapat na naka-on ang iyong headlight.
- mag-suot ng angkop na damit – mag-suot ng helmet at makapal na damit na madaling makita sa dilim para magsilbing proteksiyon.
- maging alertong-alerto – laging isasaisip na ang ibang mga drayber ay walang pakialamsa mundo. Huwag kalilimutan ang maling kaisipan na hindi ka nakikita ng iba, at mag-ingat sa pagmamaneho.
III. TIYAKING NASA KONDISYON ANG SASAKYAN
Binigyang-diin ng LTO na dapat maging maingat ang drayber, at lalong kailangang nasa kondisyon ang minamanehong sasakyan.
Dapat na maayos ang preno pati na ang lahat ng mahahalagang bahagi ng sasakyan.Tiyakin na hindi pudpod ang gulong para hindi dumulas o kumabig ang gulong ng sasakyan kapag basa ang kalsada.
Tiyakin na may sapat na hangin ang gulong(air pressure) para mas madaling kontrolin at ipreno ang sasakyan.
Karamihan ng mga sasakyan ngayon ay may mga seat belt ngunit mawawalan ito ng kabuluhan kung hindi gagamitin .
Bigyang halaga ang kondisyon ng lansangan. Mahirap magpreno at kontrolin ang sasakyan kapag basa ang kalsada lalo na sa panahon ngayong walang pinipiling panahon ang biglang pagbuhos ng ulan.
Kapag nagmamaneho sa gabi, tiyakin na gumaganang mabuti ang headlight at dapat bagalan ang pagpapatakbo at iwasan ang pabigla-biglang pag-tapak sa pedal ng preno.
Panawagan ng LTO sa mga drayber na unawaing mabuti ang mga pormulang kanilang inilahad para na rin sa kanilang pangkapakanang paghahanapbuhay at kaligtasan sa sakunang ‘di inaasahan.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. PLEASE OBSERVE THE PANDEMIC PROTOCOL. “NO MASK NO RIDE.”
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.