ISINAGAWA ng PBA 3×3 tournament ang official drawing of lots nito kahapon, Sabado, para sa groupings ng 13 koponan na sasabak sa inaugural staging ng torneo simula sa Nobyembre 20.
Pinamunuan nina Chairman Richard Bachmann at Commissioner Willie Marcial ang proceedings sa Ynares Sports Arena sa Pasig, kung saan bumunot sila ng dalawang colored balls mula sa magkahiwalay na kahon na naglalaman ng groupings at mga pangalan ng lahat ng kalahok na koponan.
Nabunot sa Pool A ang TnT Tropang Giga, Limitless Appmasters, Zamboanga Valientes, Platinum Karaoke, at Purefoods TJ Titans.
Ang Barangay Ginebra San Miguel 3×3 ay napunta sa Pool B kasama ang Terrafirma 3×3, Meralco Bolts 3×3, at Sista Super Sealers.
Magkakasama naman sa Pool C ang CAVITEX Braves, Pioneer Pro Tibay, NorthPort Batang Pier, at San Miguel Beermen.
Ang top three teams sa Pool A, at top two sa Pools B at C ay uusad sa quarterfinals, habang ang third best teams sa Pools B at C ay maghaharap sa knockout game para sa eighth at last quarterfinals berth.
Ang quarterfinals at semifinals ay kapwa knockout matches, kung saan ang dalawang malalabing koponan ay magsasalpukan sa winner-take-all finals.
Ang leg champion ay tatanggap ng P100,000, runner-up ng P50,000 at third place ng P30,000.
Dumalo rin sa drawing of lots sina tournament director Joey Guanio, Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Deputy Executive Director Butch Antonio, PBA Deputy Commissioner Eric Castro, at 3×3 national team program director Ronnie Magsanoc, na siya ring coach ng Gilas Pilipinas 3×3 men’s team na nagwagi ng gold sa inaugural staging ng event sa 30th Southeast Asian Games.
Nagpadala rin si SBP President Al S. Panlilio ng congratulatory message sa bagong endeavor ng PBA.
“Exciting times ahead and it starts today,” wika ni Bachmann sa kanyang maikling welcome remarks, habang nagpasalamat sa PBA Board, Commissioner Marcial, SBP, Inter-Agency Task Force (IATF), Games and Amusements Board (GAB), FIBA, at kay Pasig City Mayor Vico Sotto.